BBM1

PBBM iginiit matibay na pagdepensa ng gobyerno sa teritoryo ng bansa

224 Views

MULING iginiit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang matibay na pagdepensa ng Pilipinas sa mga teritoryo nito.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa gitna ng tensyon sa West Philippine Sea (WPS) dahil sa paglalagay ng mga boya ng Chinese Coast Guard (CCG) upang hindi makapangisda sa Scarborough Shoal ang mga Pilipino.

“Umiiwas nga tayo sa gulo. Umiiwas tayo sa mga maiinit na salita. Ngunit matibay ang ating pagdepensa sa teritoryo ng Pilipinas,” ani Pangulong Marcos.

Sinabi ng Pangulo na wala ng ibang opsyon kundi ang alisin ang mga boya kaya ito ang direktibang ibinigay niya sa Philippine Coast Guard (PCG).

Isang araw matapos maalis ang mga boya, sinabi ni Pangulong Marcos na nakahuli na ng 164 tonelada ng isda ang mga mangingisdang Pilipino sa lugar.

“‘Yun ang nawawala sa ating mga fisherman. Kaya’t hindi naman maaari na lalagyan ng barrier na ganun at maliwanag naman na nasa loob ng Pilipinas ‘yan… Hindi tayo naghahanap ng gulo,” saad ng Pangulo.

“Basta’t gagawin natin, patuloy natin ipapagtanggol ang Pilipinas, ang maritime territory ng Pilipinas, ang karapatan ng mga fisherman natin na mangisda doon sa mga areas kung saan na sila nangingisda daan-daang taon na kaya’t hindi ko maintindihan ba’t nagbago na ganito,” dagdag pa nito.

Iginiit ni Pangulong Marcos na patuloy na poproteksyunan ng gobyerno ang lahat ng teritoryo ng Pilipinas gamit ang mga legal na hakbang.