DepEd

PBBM iniutos sa DepEd na pagandahin senior high program

19 Views

BILANG bahagi ng kanyang mga pangunahing prayoridad sa reporma sa edukasyon, inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara na ayusin ang K to 12 program at tiyaking handa sa trabaho ang mga magtatapos ng high school.

“Habang umiiral pa ang batas na K to 12, ang sinabi ko kay Secretary Sonny Angara ay pagandahin natin ito nang husto habang nandiyan pa,” ayon kay Pangulong Marcos sa ikalawang bahagi ng BBM Podcast Episode 2 na ipinalabas nitong Miyerkules.

Bagama’t ipinangako ng K to 12 program na magiging employable ang mga magtatapos ng high school, inilahad ni Pangulong Marcos ang madalas na reklamo tungkol sa hindi tugmang kurikulum sa pangangailangan ng industriya.

Sinabi ng Pangulo na nakikipagtulungan na ngayon ang DepEd sa pribadong sektor upang iayon ang skills training sa mga trabahong in demand, para mapabuti ang kalidad at empleyabilidad ng mga nagtapos sa K to 12.

“Nakipag-partner kami sa private sector at tinanong namin sila, ‘Ano ba ang kailangan ninyong skills? Anong klaseng trabahador ba ang kailangan ninyo para ma-employ sa inyo?’” ani Pangulong Marcos.

“Nag-volunteer pa nga ang private sector: ‘Gusto niyo kami na mismo ang magpatakbo ng training? Tapos paglabas nila sa training, diretso trabaho na sa amin kasi eksakto ang training nila sa kailangan namin.’ Iyon ang ginagawa namin,” dagdag pa niya.

Sa ngayon, sinabi ng Pangulo na ang mga mungkahi para amyendahan ang Republic Act No. 10533 o ang Enhanced Basic Education Act of 2013 ay nakasalalay sa Kongreso.

Ang RA 10533, na kilala rin bilang K to 12 Law, ay nagdagdag ng dalawang taon sa basic education kaya’t naging 12 taon mula sa dating 10 taon ng pag-aaral.

Aminado ang Pangulo na ramdam niya rin ang pagkadismaya ng mga magulang dahil sa dagdag na gastos para sa dalawang taon sa high school, gayong hindi naman daw napabuti ang tsansa ng mga estudyante sa paghahanap ng trabaho.

“Sa 10 years, wala namang naging advantage. Hindi rin nakakahanap agad ng trabaho… Frustration ko rin ‘yan. Kaya tignan natin kung anong gagawin ng Kongreso,” ani Pangulong Marcos. PCO