Calendar
PBBM itinulak tourism-driven infrastructure projects
ITINULAK ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang pagpapagawa ng maraming tourism-driven infrastructure projects gaya ng ginagawa sa Singapore, Thailand, at Hawaii.
Sa Cabinet meeting noong Hulyo 12, binigyan-diin umano ni Marcos ang pagkakaroon ng mga polisiya na makatutulong upang makabangon ang turismo ng bansa.
Ipinunto umano ni Marcos na nagawa ito ng Singapore sa kabila ng limitadong naturang resources nito.
“That means that it can be done. We just have to support the plan to develop all of these enabling environment – the policy, conditions, and infrastructure,” sabi ni Marcos.
Pinatututukan umano ni Marcos ang pagtiyak na magiging madali ang pagpunta sa bansa, at pag-iikot sa bansa.
Sinabi ni Marcos na dapat ding tiyakin na ligtas ang mga tourist destination at mayroon itong mga pasilidad na gaya ng pagamutan na maaaring puntahan ng mga mangangailangang turista.
Ayon naman kay Tourism Secretary Christina Garcia-Frasco maaaring plantsahin ang mga kinakailangang polisiya upang umunlad ang industriya ng turismo sa bansa.