Calendar

PBBM mas itutuon oras sa pagpapabuti ng buhay ng Pinoy
SINABI ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mas pinili niyang ituon ang kanyang oras at pagsisikap bilang pinuno ng bansa sa pagpapabuti ng buhay ng mga Pilipino at sa patuloy na pag-unlad ng Pilipinas, imbes na makialam sa isyu ng impeachment.
Nilinaw ni Pangulong Marcos na hindi siya makikialam sa proseso ng impeachment laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte.
“Siguro kung ang isang pangulo ay piniling gawin ’yon; ako, pinili kong huwag,” ani ng Pangulo sa pinakabagong podcast interview na ipinalabas nitong Sabado.
Sa huling bahagi ng BBM Podcast Episode 2, muling iginiit ni Pangulong Marcos ang kanyang paninindigan na walang papel ang ehekutibong sangay sa impeachment ng Bise Presidente, dahil ito ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng lehislatura.
“Lahat ng proseso ng impeachment ay nasa lehislatura ‘yan. Iyan ay usapin sa pagitan ng Kongreso at Senado,” ani ng Pangulo.
“Ako ay abala sa transportasyon, sa bigas, at sa iba’t ibang mga bagay na ginagawa natin na halos nauubos ang oras ko. Wala naman akong papel sa impeachment,” dagdag pa niya. | PND