BBM2

PBBM: Pamimigay ng bigas magtutuloy-tuloy

144 Views

MAGTUTULOY-TULOY umano ang pamimigay ng gobyerno ng bigas sa mga nangangailangan hanggang sa maubos ang mga smuggler at hoarder ng pangunahing pagkain ng mga Pilipino.

Ito ang mensahe ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga residente ng San Jose, Dinagat Islands kung saan ito namigay ng bigay.

“Kaya’t ito ay pansamantala dahil nakikita natin, talaga siyempre ang ambisyon natin na wala ng ganyan, na matapos na ‘yung ganyan, para ‘yung presyo nga naman ng bigas ay hindi ‘yung biglang umaakyat at hindi natin malaman kung saan nanggagaling,” ani Pangulong Marcos.

Muling iginiit ng Pangulo ang pangako nitong gagawin ang lahat upang matiyak na mayroong sapat na suplay ng bigas sa buong bansa at mapababa ang presyo nito.

“Bilang ako’y Secretary of Department of Agriculture at hindi sapat na aayusin lang natin ‘yung sa produksyon. Kailangan natin ayusin ‘yung produksyon,” sabi ng Pangulo.

“Ngunit, sa kabilang panig naman ay kailangan din natin bantayan itong mga smuggler, itong mga hoarder dahil sinisira talaga nila ang kabuhayan ng tao, lalong lalo na ‘yung mga pinakamahihirap at pinaka-nangangailangan na tulong ng mga Pilipino,” dagdag pa ng Pangulo.

Kinumpiska ng Bureau of Customs-Port of Zamboanga (BOC-POZ) ang 42,180 sako ng bigas na nagkakahalaga ng P42 milyon matapos umanong mabigo ang may-ari nito na magpakita ng mga dokumento upang patunayan na legal itong ipinasok sa bansa.

Ang mga bigas ay ibinigay ng BOC sa DSWD para maipamigay sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.