BBM

PBBM pinamamadali pagtapos sa mga ipamimigay na bahay sa Antique

276 Views

PINAMAMADALI ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagtapos sa mga itinatayong bahay sa isang housing project ng National Housing Authority (NHA) sa Antique.

Nais ng Pangulo na makalipat na ang mga benepisyaryo sa kanilang bagong bahay bago mag-Pasko.

“Mayroon naipakita si Gov na NHA project na nasa gitna na hindi na tinapos. At siguro malaking… Siguro dahil doon ay talagang inutusan ko sila na ayusin nila na magamit naman at sayang naman ginastusan na ng gobyerno ‘yun at ‘yung tao nanganailangan ng bahay,” ani Pangulong Marcos.

“So, to know that we have 770 families who will spend this Christmas in their new home is one of the best news that I have heard in a long time,” saad pa nito sa isang event kung saan namigay ng pagkain at iba pang ayuda ng gobyerno sa mga residente ng San Jose, Antique.

Binisita ng Pangulo ang Antique noong nakaraang taon matapos ang pananalasa ng bagyong Paeng upang tulungan ang mga biktima. Sa kanyang muling pagbisita, inatasan ng Pangulo si Antique Governor Rhodora Cadiao upang tapusin na ang pabahay para mapakinabangan na.

Sinabi ni Governor Cadiao na target na matapos ang housing project sa Disyembre.

Nasa Antique ang Pangulo para pangunahan ang pamimigay ng bigas sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4P).

Ang mga ipinamahaging bigas ay bahagi ng nasamsam ng Bureau of Customs (BOC) sa Zamboanga matapos na mabigo ang mga may-ari nito na magpakita ng kaukulang dokumento.