Calendar
PBBM pinangunahan turnover ng 360 bahay
PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang seremonya para sa turnover ng 360 housing unit sa Ciudad Kaunlaran Project Phase I sa Bacoor, Cavite.
Dumalo rin ang Pangulo sa groundbreaking ceremony para sa ikalawang phase ng proyekto.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Pangulong Marcos na ang Ciudad Kaunlaran Project ay kolaborasyon ng National Housing Authority (NHA), lokal na pamahalaan ng Bacoor, iba pang ahensya ng gobyerno at ng pribadong sektor.
“Ito ay upang makapaghatid ng ginhawa para sa mga Caviteñong apektado ng Writ of Continuing Mandamus ng Supreme Court sa paglilinis ng Manila Bay at paglilikas ng mga Pamilyang nakatira sa baybayin nito,” ani Pangulong Marcos.
“Bilang agarang tugon, pinabilis po natin ang kanilang relokasyon sa bagong Pabahay na ligtas, de-kalidad, komportable at may maayos na pamayanan,” saad pa nito sa seremonya para sa Ciudad Kaunlaran Project Phase II.
Ang target completion date para sa turnover ng mga housing unit sa ilalim ng Phase I ay sa Marso. Dalawang gusali naman ang itatayo para sa Phase 2 para sa 120 pamilya.
Inaasahang matatapos ang mga gusali sa ilalim ng Phase 2 sa unang quarter ng 2025.
“Hinihikayat ko po ang ating mga benepisyaryo na pagtibayin ang pakikipag-tulungan sa ating pamahalaan upang mapanatili ang kaayusan at kasaganahan sa komunidad na ating binubuo,” wika ng Pangulo.
“Itong Ciudad Kaunlaran ay puno ng bagong pag-asa, hindi lamang para sa mga benepisyaryo, ngunit para sa lahat na makakakita ng tagumpay ng proyektong ito. Tinatawagan ko po ang lahat ng mga benepisyaryo na gamitin ang biyayang ito upang mapaunlad ang inyong mga buhay at matiyak ang magandang kinabukasan para sa inyo at para sa mga pamilya ninyo,” dagdag pa nito.
“Sigurado po ako na ang Ciudad Kaunlaran at iba pang mga proyektong pabahay ng pamahalaan ay magiging daan natin tungo sa Bagong Pilipinas na karapatdapat para sa lahat ng ating mga mamamayan,” saad pa nito.
Ayon sa Pangulo, ang NHA ay nakapagtayo na ang mahigit 80,000 housing unit sa buong bansa.