BBM1 Source: Screen grab mula Bongbong Marcos FB

PBBM pinanumpa 33 bagong miyembro ng Partido Federal ng Pilipinas

Chona Yu May 1, 2024
132 Views

AABOT sa 33 bagong miyembro ng Partido Federal ng Pilipinas ang nanumpa kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Maynila.

Nanumpa ang mga bagong miyembro ng partido bago pa man ang mid-term senatorial elections sa Mayo 2025.

Ayon kay South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo, presidente ng PFP, nakikipag-usap na ang kanilang hanay sa tatlong national parties na maaring makasama.

“Mayroon na tayong tatlong national parties na tinitingnan. Mayroong for alliance, mayroong for coalition at ‘yung isa sa pinakaimportante na tinitingnan ngayon ay isang national political party na magmemerge talaga sa Partido Federal, pag sinabi mong merging, pagiisahin na,” pahayag ni Tamayo.

Pero ayon kay Tamayo, hindi kasama sa kinakausap ngayon ng PFP ang Hugpong ng Pagbabago (HNP) ni Vice President Sara Duterte.

Agad namang nilinaw ni Tamayo na hindi naman nalusaw o nabuwag na ang UniTeam na nagpanalo sa tambalan nina Pangulong Marcos at Vice President Duterte.

Ayon kay Tamayo, nanatili ang UniTeam pero natapos na ito nang matapos ang eleksyon noong Mayo 2022.