NIA1 APEKTADO NG EL NIÑO — Iniinspeksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos ang lawak ng pinsalang tinamo ng palayan at taniman ng sibuyas mula sa tagtuyot na dulot ng El Niño sa Brgy. Central, San Jose, Occidental Mindoro nitong Martes, April 23, 2024. Kasama ni Pangulong Marcos (mula kaliwa) sina Occidental Mindoro Lone District Representative Leody F. Tarriela, Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., National Irrigation Administration (NIA) Administrator Eduardo G. Guillen, at Occidental Mindoro Vice Governor Aniceta Diana Apigo-Tayag. Hanggang April 10, 2024, nai-record ng Department of Agriculture – Region 4B na P619,382,085 ang kabuuang pinsala sa mga tanim sa Occidental Mindoro. Noel B. Pabalate / PPA POOL

PBBM pinapalawakan sa NIA Irigasyon sa mga sakahan

Chona Yu Apr 23, 2024
139 Views

NIANIA2INATASAN ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang National Irrigation Administration (NIA) na maglagay ng irrigation systems para mabigyan ng mas malawak na irigasyon ang mga munisipyo sa Occidental Mindoro partikular na ang mga bayan ng San Jose at Magsaysay.

Ito ay para mapalakas pa ang agricultural production sa lugar.

Ginawa ni Pangulong Marcos ang utos nang pangunahan ang pamamahagi ng ayuda sa mga magsasaka na apektado ng El Niño sa San Jose Municipal Gym sa Occidental Mindoro.

“Kaya’t nandito, kasama rin natin— hindi umakyat sa stage, nandiyan si— ang National Irrigation— ayan, si Eddie Guillen, taga amin po ito pero siya’y nailagay natin sa irrigation at marami po tayong plano,” pahayag ni Pangulong Marcos.

“Mayroon po tayong pinaplano na dam na ilalagay para ma-koberan (cover) hanggang San Jose, Magsaysay, at mapatubigan na. Para naman kahit na mahina ang ulan ay mayroon pa tayong makukuhanan ng tubig,” dagdag ng Pangulo.

Ayon sa Pangulo, bukod sa irrigation water mula sa mga dams, magbibigay din ang gobyerno sa mga magsasaka ng solar-powered pumps pra mabigyan ng irigasyon ang mga malalayong sakahan.

Ayon kay Pangulong Marcos, kahit kumpleto sa abono, pesticides, farm equipment, at iba pang inputs, hindi rin tataas ang produksyon kung walang sapat na suplay ng tubig.

“Kaya’t ‘yun ay babaguhin natin. Dahil alam naman po natin sa ating mga magsasaka, ang puno’t dulo, lalong-lalo na pagka palay ang pinag-uusapan, ang puno’t dulo nitong lahat ay patubig,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Kabilang sa mga ibinigay na ayuda ni Pangulong Marcos ang P3,000 fuel subsidy sa 393 na magsasaka; P5,000 sa 1,153 apektadong magsasaka sa ilalim ng Rice Farmers Financial Assistance; P5.1 milyon sa 193 na magsasaka sa ilalim ng El Niño Indemnification Fund; at P77.5 milyon na Survival and Recovery Aid loans.

Nagbigay din ang NIA ng P7.38 milyon halaga ng operations and maintenance subsidy sa dalawang irrigators’ associations (IA) at certificate of condonation and exemption na nagkakahalaga ng P18.48 milyon sa isang asosasyon.

Nagbigay din ang NIA ng 24 units ng solar pump irrigation projects na nagkakahalaga ng P50 milyon sa tatlong IAs; at three communal irrigation projects na nagkakahalaga ng P89.26 milyon.

Nag-abot din ng iba’t ibang tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Trade and Industry (DTI), Technical Education and Skills Development Administration (TESDA).