1Pacman

PBBM pinuri sa programa para maiahon mga Pinoy sa kahirapan

Mar Rodriguez Jan 12, 2024
165 Views

PINAPURIHAN ng chairman ng House Committee on Poverty Alleviation na si 1-PACMAN Party List Cong. Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., si President Bongbong Marcos, Jr. dahil sa inilunsad nitong “social programs” para mai-ahon sa kahirapan ang mga mahihirap na pamilyang Pilipino.

Sinang-ayunan din ni Romero ang panukalang gamitin ang mga social programs para unti-unting mai-ahon sa kahirapan ang mga mahihirap na pamilyang Pilipino kaysa sa hayaan silang umasa sa mga ayuda na ipinagkakaloob ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sinabi ni Romero na ang pangunahing layunin ng “social programs” ng administrasyong Marcos, Jr. ay ang magkaroon ng tamang konsepto ng pantawid programs para tulungan ang mga mahihirap na pamilyang Pilipino na maka-ahon sa kahirapan sa halip na umasa sila sa mga ayuda.

Ayon kay Romero, sa pamamagitan ng mga social programs ng pamahalaan. Tinuturuan nito ang mga mahihirap na pamilyang Pilipino na tumindig sa kanilang mga sariling paa sa halip na maghintay na lamang sila ng ayuda mula sa gobyerno na itinuturing na short term lamang.

Ikinagalak din ng kongresista ang pagbaba ng bilang ng mga Pilipinong walang trabaho o ang pagbaba ng poverty incidence sa bansa dahil narin sa ipinapakutang pagsisikap ng Pangulo kasama ang kaniyang economic team para maibsan ang kahirapan sa Pilipinas dahil sa kawalan ng trabaho.

Kinatigan din ni Romero ang pahayag ng kaniyang mga kapwa mambabatas na ang pagbaba ng unemployment sa Pilipinas ay bunsod ng ikinakasang “economic policy” ng pamahalaan para mabigyan ng trabaho ang mga Pilipino na nagbibigay daan para unti-unting masolusyunan ang kahirapan.

“Ito ay team effort. Kumbaga sa isang basketball team, ang lahat ay nagta-trabaho at nagpapakita ng kanilang husay at galing. Ganito natin maikukumpara ang ating pamahalaan, talagang ipinapakita ng Pangulo at kaniyang economic team ang kanilang pagsisikap,” paliwanag ni Romero.