BBM2

PBBM: Railway project magbabalik sa quality time ng mga Pinoy

149 Views

Ang mga railway project ng gobyerno umano ay makatutulong sa pagbabalik ng quality time ng mga Pilipino.

Ito ang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagpirma ng bansa ng kontrata para sa Metro Manila Subway Project (MMSP) Contract Packages 102 at 103 sa Malacañang.

Ayon sa Pangulo hindi na bago ang mga kuwento ng mga Pilipino na umaalis ng napaka-aga sa bahay at gabi na nakakauwi dahil sa haba ng oras na kanilang ginugugol sa biyahe dahil sa mabagal na daloy ng trapiko.

“They have to wake up at four o’clock in the morning to get back on the bus to fight with the traffic coming back to work. And that the subway and all our public transport systems will be able to help and to remedy,” sabi ng Pangulo.

Sa pamamagitan ng mga railway project sinabi ni Marcos na mapabibilis umano ang pagbiyahe.

“We will reduce the terrible stories that we hear of people who no longer see their children because they come home at 1:30 in the morning and the children are asleep,” dagdag pa ng Pangulo.

Kapag natapos, ang biyahe mula Quezon City hanggang Pasay City ay magiging 35 minuto na lamang mula sa isang oras at kalahati sa kasalukuyan.

Bukod sa subway, sinabi ni Marcos na itutuloy ng administrasyon ang iba [pang railway project gaya ng Metro Rail Transit (MRT)-7, Light Rail Transit (LRT) -1 Cavite Extension, at Philippine National Railway (PNR) Clark Phase 1 at 2.

“We owe it to the Filipino people to build major roads and critical infrastructure that will not only spur progress and social change but also promote interconnectivity, ease traffic, and reduce their travel time,” wika pa ng Pangulo.

Nasimulan na ang mga nabanggit na proyekto ng nakaraang administrasyon.

Bukod sa benepisyo nito sa mga mananakay kapag natapos, ang mga proyekto ay makalilikha rin ng dagdag na mapapasukang trabaho.