Pic1

PBBM sinuri pinsala ng habagat sa Zambales

Mar Rodriguez Sep 3, 2026
29 Views

NAGPAABOT ng taos pusong pasasalamat si Zambales 2nd District Rep. Doris “Nanay Bing” Maniquiz kay President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. matapos ang pagbisita at nito sa Barangay Sta. Fe, San Marcelino, Zambales upang tingnan ang kalagayan ng mga residenteng matinding naapektuhan ng malakas na pag-ulan at pagbaha dulot ng habagat.

Sinalubong ang Pangulo nina Zambales Gov. Jun Ebdane, San Marcelino Mayor Elvis Soria, Vice Mayor Jimbo Gongora at Deputy Speaker at Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun.

Bago magtungo sa Zambales, una nang bumisita si Pangulong Marcos, Jr. sa Tarlac at sinundan ito ng pagpunta sa Pampanga, na kabilang din sa mga lugar na matinding naapektuhan ng walang tigil na pag-ulan.

Habang nasa biyahe patungong Zambales, nakita rin mula sa himpapawid ang Bucao River at ilang bahagi ng dike na gumuho dahil sa malakas na agos ng tubig mula sa kabundukan at Mt. Pinatubo.

Sa isinagawang pag-iikot sa mga apektadong lugar, nakita ang lawak ng pinsala, kabilang ang mga nasirang bahay at imprastraktura, mga paaralang binaha at iba pang epekto sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga residente.

Bilang bahagi ng pagtugon ng pamahalaan, namahagi ang Pangulo ng food packs, hygiene kits at school bags para sa mga mag-aaral. Nagbigay rin ng P10,000 cash assistance sa mahigit 1,000 pamilyang naapektuhan sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Kasama rin sa pagbisita ang pakikipag-ugnayan sa mga pangunahing ahensya ng pamahalaan upang matugunan hindi lamang ang agarang pangangailangan kundi pati ang pangmatagalang rehabilitasyon ng mga apektadong komunidad.

Kabilang sa mga opisyal na tinukoy para sa pagtugon sa sitwasyon sina DSWD Secretary Rex Gatchalian, Agriculture Secretary Francisco “Kiko” Tiu Laurel Jr., Education Secretary Sonny Angara at Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon.

Layunin ng koordinasyon ng mga lokal at pambansang opisyal na mapabilis ang pagbabalik sa normal ng pamumuhay ng mga residente at maisulong ang mga pangmatagalang solusyon sa mga lugar na paulit-ulit na naaapektuhan ng pagbaha at malakas na pag-ulan.

Samantala, iginiit ng mga lokal na opisyal ang patuloy na pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang mas marami pang residente ang matulungan at mapabilis ang pagbangon ng mga komunidad.

Binigyang-diin din ang paninindigang walang sektor, lugar o bayan sa Ikalawang Distrito ng Zambales ang dapat maiwan sa panahon ng kalamidad, sa pamamagitan ng pagtutulungan at sama-samang pagkilos para sa mga apektadong mamamayan.