BBM

PBBM, Speaker Romualdez nakipagpulong sa World Economic Forum officials

200 Views

DUMALO sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Speaker Martin G. Romualdez sa isang breakfast meeting kasama ang grupo ni World Economic Forum Executive Chairman Klaus Schwab sa Cambodia noong Sabado.

Napag-usapan sa pagpupulong ang posibleng partisipasyon ni Marcos sa taunang pagpupulong ng WEF na gagawin sa Davos, Switzerland sa Enero 2023.

Sa kabila ng siksik na schedule ng Pangulo sa 40th at 41st Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summits and related summits, nahanapan ng paraan ni Romualdez na makaharap ni Marcos si Schwab.

“It might be a good time to herald to the whole world that the Philippines, with a very new and very popular leader, and with very competent and experienced economic managers is open for business,” sabi in Romualdez sa pagpupulong na ginawa sa Hyatt Regency Hotel sa Phnom Penh.

Hinimok ni Schwab si Marcos na seryosong ikonsidera ang paglahok sa Davos forum.

“Mr. Speaker I would formally recommend that he comes next year because he is a newcomer in the international scene and I know that the business community has a lot of thinking going on about how to reshape the international supply chains,” sabi ni Schwab.

Ayon kay Schwab maganda kung maipo-promote ni Marcos ang Pilipinas sa naturang forum na lalahukan ng iba’t ibang lider sa mundo.

Isa umano sa maaaring magamit ni Marcos sa paghikayat ng mga mamumuhunan sa Pilipinas ang napakalaking boto na nakuha nito noong eleksyon, sabi ni Schwab.

Sa naturang pagpupulong ay inilahad ni Romualdez ang ulat ng National Economic Development Authority na nagsasabing umangat ng 7.6 porsyento ang Gross Domestic Product (GDP) ng Pilipinas sa ikatlong quarter ng taon.

Ipinunto ni Romualdez na nagawa ito ng Pilipinas sa kabila ng malaking epekto ng coronavirus at Russia-Ukraine conflict at problema sa supply chain.