Edd Reyes

PCG hindi natitinag sa kahit anong banta ng China

Edd Reyes Sep 4, 2024
141 Views

PAANO kaya naaatim ng tagapagsalita ng China Coast Guard (CCG) na akusahan ang naka-angklang BRP Teresa Magbanua sa Sabina Shoal na sila raw bumangga sa kanilang barko noong Sabado ng tanghali?

Sabi pa ng kanilang tagapagsalita, iniangat pa raw ng barko ng Philippine Coast Guard (PCG) ang angkla para sadyaing banggain ang kanilang barko at nagbanta pang balikatin na lang daw ng Pilipinas kung ano man ang kahihinatnan kapag hindi inalis sa lugar ang barko ng PCG.

Ang nakakadismaya pa, ang PCG pa raw ang gumagawa ng probokasyon, panggugulo, at panghihimasok sa karagatan na kanilang teritoryo na paglabag daw sa soberenya at kanilang karapatan sa sakop nilang karagatan gayung malinaw naman sa inilabas na ruling ng 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at ng 2016 Permanent Court of Arbitration na ang Pilipinas ang nakakasakop sa naturang karagatan.

Tanong pa ng marami, saan daw kaya ibinatay ng China ang akusasyon na ang barko ng PCG ang bumangga sa kanilang barko gayung naging ugali na nga nila na banggain ang mga barko ng PCG habang naglalayag sa karagatang nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa?

Gusto tulong malamay ng marami nating kababayan kung hindi raw kaya inuusig ng kanilang konsensiya sa ginagawang pagsisinungaling at pagbato ng maling akusasyon ang tagapagsalita ng China dahil malinaw pa sa sikat ng araw ang kuha ng mga larawan kung paano binangga ng kanilang barko ang naka-angklang BRP Teresa Magbanua.

Pero kahit ano pang pagbabanta ang gawin ng China, hindi natitinag ang PCG at tiniyak na hindi sila aalis sa Sabina Shoal kahit ano pa raw ang mangyari. Dapat naman talaga dahil sa oras na bumigay ang Pilipinas sa pagbabanta ng China, tiyak na sisimulan na nilang gawin kung ano man ang nais nila sa karagatang sakop ng ating EEZ.

Bahay Kalinga, itatayo sa Navotas City

ISA na siguro sa magagandang proyekto ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco ang pagtatayo ng Bahay Kalinga para sa mga batang inabandona, pinabayaan o inabuso sa lungsod.

Ang tatlong palapag na gusali ay itatayo sa Brgy. NBBS-Kaunlaran na magiging simbolo ng pangako ng alkalde na matiyak na maging ligtas at may nagmamahal sa mga inabandonang mga bata at mabigyan sila ng oportunidad na umunlad hanggang sa kanilang paglaki

Sabi ni Mayor Tiangco, hindi lang pangangalaga sa mga bata ang layunin ng Bahay Kalinga kundi kasama na rito ang pagpapalusog sa kanilang kaisipan at programang pang-edukasyon.

DOH, iniunsad ang PuroKalusugan Program

MABIBIGYAN na ng direktang serbisyong pangkalusugan ng Department of Health (DOH) ang mga residenteng naninirahan sa kasuluk-sulukang lugar sa buong bansa sa inilunsad nilang PuroKalusugan Program.

Nauna itong inilunsad sa North Bay Boulevard North Elementary School sa Navotas City na binigyan ng buong suporta ni Mayor John Rey Tiangco dahil ganito rin ang kanyang layunin sa bawa’t mamamayan ng lungsod, ang mabigyan ng serbisyong pangkalusugan ang mamamayan sa bawa’t barangay sa mabilis na paraan.

Kabilang pala sa serbisyong medikal ng PuroKalusugan ang serbisyong pang-nutrisyon, libreng bakuna, pagkontrol sa tuberculosis at marami pang iba pati na ang paghimok sa mga residente ng regular na pag-eexercise, pag-iwas sa droga at alak, at paglalaan ng sapat na pahinga.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected].