PCG Sina Mayor Robin Tagle at ADM Ronnie Gil Gavan, PCG Commandant, habang pinIpIrmahan ang kasundoan. CHRISTIAN D SUPNAD

PCG national headquarters, academy itatayo sa Abucay

Christian Supnad Feb 12, 2025
11 Views

ABUCAY, Bataan– Itatayo sa bayang ito ang national headquarters ng Philippine Coast Guard (PCG).

Sa isang makasaysayang hakbang patungo sa mas pinaigting na seguridad at kaunlaran, pormal nang nilagdaan ng Philippine Coast PCG at ng Pamahalaang Bayan ng Abucay, Bataan sa pamumuno ni Mayor Robin Tagle ang Deed of Usufruct para sa pagtatatag ng PCG national headquarters kasama ang iba pang mahahalagang pasilidad tulad ng isang port, housing facilities, at PCG Academy sa Abucay.

Pinangunahan ni ADM Ronnie Gil Gavan, PCG Commandant, ang pirmahan ng kasunduan, na sinaksihan nina provincial director Belina Herman ng Provincial DILG, Abucay DILG chief Joanna Marie Cruz, at buong Team MRT.

Nauna nang naitayo sa bayan ang PCG Anthena, isang patunay ng matibay na ugnayan ng PCG at LGU-Abucay sa pagpapalakas ng maritime security at disaster preparedness sa rehiyon.

Sa tuloy-tuloy na pagsasakatuparan ng proyektong ito, sinabi ni Mayor Tagle na inaasahang higit pang mapapalakas ang kakayahan ng PCG sa pagbabantay sa ating karagatan, gayundin ang pagbibigay ng mas maraming oportunidad sa mga Abukeño at iba pang kabataan na nais maging bahagi ng PCG sa pamamagitan ng PCG Academy.

“Ang makasaysayang kasunduang ito ay hindi lamang isang tagumpay para sa PCG kundi isang malaking hakbang para sa bayan ng Abucay tungo sa mas progresibong hinaharap,” ani Tagle.