PCG Source: PCG photo

PCG sinuportahan ng VACC, PH-Indian group sa paghahanap sa mga sabungero

Alfred Dalizon Aug 2, 2025
346 Views

ANG Volunteers Against Crime and Corruption (VACC), sa pakikipagtulungan ng Filipino-Indian Commerce and Welfare Society, Inc., ay nagpahayag ng buong suporta sa patuloy na hakbang ng pamahalaan sa paghahanap sa mga labi ng mga nawawalang sabungero sa ilalim ng malawak na Lawa ng Taal.

Bilang panimula, nagsimulang magbigay ang VACC ng pagkain at mahahalagang gamit para sa mga diver ng Philippine Coast Guard at iba pang personnel na kasama sa search-and-recovery operations para sa mga nawawala.

“Bahagi ito ng aming pinagsasaluhang layunin na suportahan ang mga pagsisikap na matuklasan ang katotohanan at tiyakin ang pananagutan,” ayon kay VACC chairperson Arsenio ‘Boy’ Evangelista.

Ayon pa kay Evangelista, kaisa nila ang Department of Justice (DOJ), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police (PNP), at iba pang ahensiya ng gobyerno sa paghahanap ng hustisya para sa mga nawawalang sabungero na umano’y dinukot.

“Kaisa kami ng pamahalaan sa paghahanap sa tunay na katotohanan at walang ibang hangarin kundi ang makamit ito,” aniya sa panayam ng Journal Group.

Nauna nang pinangunahan ng DOJ ang imbestigasyon sa mga nawawalang sabungero na pinaniniwalaang pinatay at itinapon sa Lawa ng Taal makalipas ang ilang taon. Ilang pinaghihinalaang labi ng tao ang narekober ng mga diver ng Coast Guard at isinailalim sa forensic examination ng PNP Forensic Group.

Gayunpaman, nitong Huwebes, ibinunyag ni PNP spokesperson Brigadier General Jean S. Fajardo na hindi nakakuha ng DNA sample mula sa mga narekober na labi sa ilalim ng lawa.

“Ang hamon dito ay matagal nang nakababad sa tubig ang mga labi, kaya wala nang ma-extract na DNA profile. Kontaminado na,” ayon sa kanya.

Dagdag pa ni Brig. Gen. Fajardo, tatlong bangkay na hinukay mula sa pampublikong sementeryo sa Batangas ay hindi rin tumugma sa DNA ng 23 kaanak ng mga nawawalang sabungero na boluntaryong nagbigay ng sample.

Ang DNA ay nakuha mula sa dalawang lalaki at isang babae.

Muling may mga narekober na pinaghihinalaang labi sa lawa nitong Miyerkules na muling isasailalim sa forensic examination.