Calendar

Pekeng boga gamit nasamsam sa arestadong holdup suspek
LAGLAG sa kamay ng mga pulis ang 19-anyos na suspek sa dalawang panghoholdap sa loob ng isang araw gamit ang pekeng baril sa Paranaque City.
Sa ulat kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Joseph Arguelles, unang hinoldap ng suspek na si alyas Raymond gamit ang baril ang delivery rider na alyas Chart, 36.
Hinarang ng suspek ang motorsiklo ng biktima sa United States St. Brgy. Don Bosco, Paranaque dakong alas-2:00 ng hapon noong Lunes.
Puwersahang kinuha ng suspek ang P15,000, cellular phone at personal na gamit, susi ng motorsiklo ng biktima bago tumakas.
Sumunod na hinoldap ng suspek ang isang vape shop sa Saudi Arabia St. sa naturan ding barangay alas-11:15 ng gabi at tinangay ang mga vape products at salapi sa kawaning si alyas Rafael, 23.
Nang makaalis ang suspek, humingi ng tulong si alyas Rafael sa mga pulis at hinabol ang suspek na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.
Nakumpiska sa suspek ang baril na gamit sa airsoft na may magazine, susi ng motorsiklo, P1,170 cash at walang plakang motorsiklo na ginagamit niya.