Adiong Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong

Pekeng petisyon para sa pagbibitiw ni PBBM kinondena sa Kamara

22 Views

TINULIGSA ni House Assistant Majority Leader Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur ang pekeng petisyon na natanggap umano ng Korte Suprema na nanawagan ng pagbibitiw ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na isa umanong desperadong hakbang upang linlangin ang publiko at pahinain ang gobyerno.

Pinuri naman ni Adiong ang Korte Suprema na agad na pinabulaanan ang pinekeng dokumento at nagpahayag ng suporta sa pagpapanagot sa gumawa nito.

“This is a blatant act of deception, meant to sow confusion and disrupt our nation. We will not allow malicious actors to use the Supreme Court as a tool for political sabotage. The law must come down hard on those spreading these lies,” ani Adiong.

Pinasinungalingan ng SC nitong Lunes na may natanggap silang petisyon at itinanggi ang presensya ng dokumento na may paksa na “Supreme Court Receives Petition on 16 Million Signatures Calling for President Marcos’ Resignation.”

Itinanggi rin ng Kataastaasang Hukuman na mayroon silang nakatakadang en banc session patungkol sa usapin at iginiit na peke ang impormasyong ito.

Natukoy ng Korte Suprema na mula ang dokumento sa isang Facebook account na pangalang “Choose Libungan” at “Bernard Flores Maicon.”

Nangako ang SC na papatawan ng parusa ang mga responsable sa pagpapakalat ng maling impormasyon kasabay ng paghikayat sa publiko na paniwalaan lamang ang mga opisyal na pahayag.

Nagbabala si Adiong sa mas malawak na epekto ng disinformation kasabay ng pagbibigay diin ng pangangailangan sa mas mabigat na parusa laban sa mga grupo o indibidwal na ginagamit ang social media para magpakalat ng kasinungalingan.

“Panahon nang tapusin ang ganitong panlilinlang. Ang kasinungalingan ay may tunay na epekto—nilalason nito ang isip ng taumbayan at ginugulo ang ating bansa. Ang mga nasa likod nito ay dapat managot sa ilalim ng batas,” saad ni Adiong.

Hinimok din niya ang mga Pilipino na maging maingat sa mga binabasa at ibinabahaging impormasyon online at nanawagan din sa mga otoridad na palakasin ang ugnayan laban sa disinformation campaign.

“Disinformation is a serious threat to national stability. The public must be vigilant and verify sources before believing or spreading unverified claims. The truth must always prevail over deception,” punto ni Adiong.

Dagdag niya na ang Kamara de Representantes, sa ilalim ng liderato ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ay nananatiling tutok sa pagsusulong ng mga lehislasyon na lalaban sa fake news at poprotekta sa integridad ng mga insitusyon ng pamahalaan.

“Sa ilalim ng liderato ni Speaker Romualdez, patuloy nating isusulong ang mga batas na magpapalakas sa laban kontra fake news. Kailangang tiyakin natin na hindi magiging kasangkapan ng kasinungalingan ang ating mga institusyon,” sabi ni Adiong.

Giit pa ng mambabatas, makikipagtulungan ang Kamara sa mga kaukulang ahensya para masawata ang disinformation at mapanagot ang mga responsable dito.