Tsino

Pekeng Pilipino na Tsino nasakote ng BI

Jun I Legaspi May 25, 2025
24 Views

ISANG Chinese national na nagkukunwaring Pilipino ang inaresto ng Bureau of Immigration (BI) sa Cagayan de Oro City noong Miyerkules.

Hinuli ang impostor na Pinoy na si Xu Shiyan, 38, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Nahuli ang suspek sa operasyon ng BI Intelligence Division sa pakikipagtulungan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) noong Mayo 21.

“Lubos kaming nagpapasalamat sa AFP sa kanilang tulong.

Ang kasong ito nagpapakita ng kahalagahan ng mas matatag na ugnayan ng mga ahensya ng pamahalaan upang mapigilan ang maling paggamit ng pagkakakilanlang Pilipino,” ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado.

Ipinakita ni Xu ang mga dokumentong nag-aangkin siyang isang Pilipino dahil umano sa kanyang Pilipinang ina at Chinese na ama.

Subalit lumabas sa imbestigasyon na hindi kinikilala ng batas ng China ang dual citizenship.

Bukod dito, ang kanyang Chinese passport nagtatala ng Guangdong, China bilang kanyang lugar ng kapanganakan na taliwas sa kanyang iniharap na Philippine birth certificate.

Kabilang sa mga narekober na dokumento mula kay Xu ang birth certificate, TIN card, postal ID, driver’s license, at isang COMELEC registration slip na lahat may litrato niya.

Lumabas din sa tala ng immigration na may hawak siyang working visa na valid hanggang 2026 na isa pang patunay na hindi siya naturalisadong Filipino.

Pinaniniwalaang ginamit ni Xu ang kanyang pekeng identity upang makinabang sa mga karapatang nakalaan lamang para sa mga tunay na Pilipino — gaya ng pag-aari ng lupa, pagrerehistro ng negosyo, pagkuha ng lisensya ng baril at maging ang posibilidad na tumakbo sa halalan.

Sasampahan ng kaso ang suspek sa ilalim ng Philippine Immigration Act dahil sa maling representasyon ng kanyang sarili bilang isang mamamayang Pilipino.