Calendar
Pekeng Pinoy naharang sa Clark—BI
ISANG puganteng Koreano na nagpanggap umano Pilipino ang naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Clark International Airport.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, ang 26-anyos na si Na Ikhyeon ay sasakay sana sa biyahe ng Cebu Pacific Airways patungong Hongkong.
Ginamit umano ng Koreano ang pangalang Rodingo Santos Chun at nagpakita ng Philippine passport.
Napansin umano ng immigration officer ang pagkakaiba ng biopage ng pasaporte sa itsura ng suspek. Hindi rin umano ito nakakapagsalita ng Pilipino o anumang local dialect.
Isinailalim sa Forensic Documents Laboratory examination ang pasaporte at napatunayan na ito ay peke.
Isinuko umano ng suspek ang kanyang Korean passport kalaunan at dito napag-alaman na siya ay wanted sa Interpol.
Si Na ay wanted umano sa dalawang kaso ng fraud.
Isang summary deportation order ang inilabas kay Na upang siya ay mapabalik sa Korea. Ang suspek ay kasalukuyang nasa BI Warden Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang hinihintay ang pag-deport sa kanya.