Fake Source: QCPD FB

Pekeng pulis nireklamo ng negosyante, nasakote

21 Views

NAAKTUHAN mismo ng mga rumespondeng operatiba ng Cubao Police Station 7 na nakasuot ng uniporme ng pulis ang isang lalaki na nagpapanggap na alagad ng batas sa isang hotel sa Quezon City, pasado hatinggabi nitong Martes, Oktubre 27.

Rumesponde ang mga tauhan ng Cubao Police Station 7 sa reklamo ng isang 54-anyos na negosyante na nagsabing paulit-ulit siyang hinawakan ng suspek sa leeg habang sinasabihan ng “Huli ka.”

Pagdating ng mga pulis sa nasabing hotel sa Barangay San Martin de Porres, nakita nila ang suspek na nakasuot ng uniporme ng pulis na may ranggong Police Executive Master Sergeant at patch ng Taguig City Police Station.

Nagpakilala ang suspek bilang operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na nakatalaga sa Camp Crame, ngunit nabigo siyang magpakita ng police identification card.

Nang beripikahin sa CIDG, napag-alamang walang pulis na may ganoong pangalan at ranggo na nakatalaga sa naturang yunit.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Article 177 (Usurpation of Authority or Official Functions) at Article 179 (Illegal Use of Uniforms or Insignia) ng Revised Penal Code.

Nagbabala naman si NCRPO Officer-in-Charge PBGEN Christopher N. Abrahano laban sa mga nagpapanggap na pulis at ginagamit ang uniporme upang manakot o manloko ng publiko.

Hinimok ng NCRPO ang publiko na beripikahin ang pagkakakilanlan ng mga nagpapakilalang pulis at agad ireport sa pinakamalapit na himpilan o tumawag sa 911 ang mga kahina-hinalang indibidwal.