QCPD

‘Snatcher’ ng P70K kuwintas nakuhan ng baril, mga bala

15 Views

NAKUHANAN ng baril at mga bala ang isang 19-anyos na lalaki na inaresto sa follow-up operation ng pulisya sa Sampaloc, Maynila, kaugnay ng umano’y pang-aagaw ng gintong kuwintas na nagkakahalaga ng ₱70,000 sa Quezon City.

Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), nadakip ng mga operatiba ng La Loma Police Station (PS 1) ang suspek na si alyas “Tew-Tew” dakong alas-2:55 ng hapon noong Oktubre 25 sa M. Dela Fuente Street, sa kanto ng Loyola Street, Barangay 453, Sampaloc.

Ayon sa pulisya, iniulat ng biktima noong Oktubre 25 ang pang-aagaw ng kanyang kuwintas sa harap ng isang tindahan sa Speaker Perez Street, Barangay Sta. Teresita, Quezon City, dakong alas-11:30 ng umaga noong Oktubre 24.

Batay sa salaysay ng biktima, dalawang lalaking sakay ng motorsiklo ang tumangay sa kanyang gintong kuwintas na nagkakahalaga ng ₱70,000.

Sa tulong ng CCTV footage, natunton ng mga imbestigador ang posibleng dinaanan ng mga suspek hanggang sa Maynila.

Namataan ng mga pulis ang dalawang suspek na sakay ng itim na Yamaha Aerox na tumutugma sa paglalarawan sa ginamit na motorsiklo sa insidente.

Gayunman, tumakas umano ang mga ito nang lapitan ng mga operatiba para sa beripikasyon. Nawalan ng kontrol ang motorsiklo habang tinutugis ng mga pulis, dahilan upang madakip si alyas Tew-Tew habang nakatakas ang kasama nito.

Narekober sa suspek ang isang Glock 19 na 9mm pistol na may 12 bala, isang helmet, iPhone, gintong pulseras at isang kuwintas. Patuloy pang bineberipika ng pulisya ang pagmamay-ari ng mga nakumpiskang gamit at kung may kaugnayan ang mga ito sa naiulat na pagnanakaw.

Nabatid din na may mga dati nang kasong isinampa laban sa suspek kaugnay ng robbery, paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, RA 9516 o batas laban sa ilegal na paghawak at paggamit ng eksplosibo, at Batas Pambansa Blg. 881 o Omnibus Election Code noong Abril 22, 2025.

Nahaharap ang suspek sa kasong robbery sa Quezon City Prosecutor’s Office at hiwalay na reklamo sa umano’y paglabag sa RA 10591 sa Manila Prosecutor’s Office.

Patuloy naman ang pagtugis ng pulisya sa nakatakas na suspek.

Ayon kay QCPD Acting District Director PBGen Christopher Olazo, patuloy ang kanilang operasyon at paggamit ng teknolohiya upang matukoy at mapanagot ang mga hinihinalang sangkot sa krimen alinsunod sa batas.