Calendar

Permanenteng pagbabawal sa POGO sa Pinas isinusulong
ISINUSULONG ni Deputy Minority Leader Senadora Risa Hontiveros ang pagpasa ng Anti-POGO Act, isang panukalang batas na naglalayong gawing permanente ang pagbabawal sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa.
Sa isang panayam, iginiit ng senadora na patuloy pa rin ang mga operasyon laban sa mga ilegal na POGO hubs at kinakailangan na itong tapusin sa pamamagitan ng isang malinaw at matibay na batas.
“The crackdown is still not over,” ani Hontiveros. “Our law enforcers are still monitoring and raiding offices and buildings that pretend to be legitimate businesses but are actually still operating as POGO scam hubs.”
Sa panig ng senadora, binigyang-linaw niyang layunin ng panukala na gawing ganap ang pagbabawal sa lahat ng anyo ng POGO operations—maging sa loob ng mga special economic zones.
“By passing the Anti-POGO Act, we will be able to permanently ban POGOs in the country,” paliwanag niya. “It will also leave no doubt that all operations in the nature of POGOs will be banned, even in special economic zones.”
Dagdag pa rito, tinatalakay rin sa panukalang batas ang mga dating polisiya na nagbigay ng buwis na exemption sa mga POGO operators. Ayon kay Hontiveros, bibigyang-kapangyarihan ng batas ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na habulin ang hindi pa nababayarang buwis ng mga ito.
“While the Anti-POGO Act also repeals the law that prohibited the taxation of POGOs during the Duterte administration, it will still empower the Bureau of Internal Revenue to have continuing authority to demand unpaid taxes from POGOs,” aniya.
Samantala, binigyang-diin din ng senadora ang mga problema sa proseso ng deportasyon ng mga dayuhang sangkot sa POGO.
Tinukoy niya ang pag-abuso sa paggamit ng connecting flights, kung saan hindi na nakakabalik sa kanilang bansang pinagmulan ang mga ipina-deport na kadalasang Chinese nationals.
“This was severely abused by numerous POGO actors, most of whom were Chinese nationals who never arrived in China,” sabi niya. “The POGO bosses only slip away to Cambodia, Macau and other countries where they can form new fraud hubs,” dagdag pa niya.
Bukod dito, layon din ng panukala na bigyang suporta ang mga Pilipinong manggagawang naapektuhan ng pagbabawal. Iminungkahi ni Hontiveros ang Workers Transition Program para matulungan ang mga nawalan ng trabaho. Ipinaalala rin niyang nagsagawa na ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng mga job fair para sa kanila.
Sa kabuuan, sinabi ng senadora na mahalagang maisabatas ang panukalang ito upang matiyak ang tuloy-tuloy at pangmatagalang pagbabawal sa POGOs, anuman ang maging administrasyon sa hinaharap.
“This is essential so that POGOs will never be allowed on our shores ever again – no matter the administration,” diin niya.