Calendar
Persons of interest sa banta kay PBBM binabantayan, mga pangalan inililihim–Matibag
MAY listahan na ang National Bureau of Investigation ng mga person of interest na sinusubaybayan kaugnay ng umano’y banta laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ayon kay NBI Director Melvin Matibag sa Senate impeachment court.
Tumanggi si Matibag na tukuyin ang mga nasa listahan dahil maaaring makompromiso ang intelligence assets, surveillance operations at nagpapatuloy na imbestigasyon ng ahensya.
Sinusundan at bina-validate ng NBI ang mga lead upang matukoy kung sino ang maaaring may impormasyon o posibleng kaugnayan sa usapin.
Hindi rin niya sinabi kung ilan ang nasa listahan o kung mayroon ng sapat na ebidensiya upang ituring ang sinuman bilang suspek.
Ang pagiging person of interest ay hindi awtomatikong nangangahulugang sangkot o nagkasala ang isang tao kundi tumutukoy ito sa indibidwal na nais pang suriin o hingan ng impormasyon ng mga imbestigador.
Ayon kay Matibag, hindi muna maaaring magbigay ng karagdagang detalye habang nagpapatuloy ang validation at case buildup.
Ang maagang pagbubunyag sa mga pangalan ay maaaring magbigay-babala sa mga taong sinusubaybayan at makaapekto sa mga susunod na hakbang ng NBI.
