SC

Petisyon laban sa Maharlika fund ibinasura ng SC

138 Views

IBINASURA ng Korte Suprema ang petisyon ng Makabayan bloc laban sa panukalang Maharlika Investment Fund (MIF) na gagamitin ng gobyerno upang mapondohan ang mga mahahalagang proyekto sa bansa.

Ayon sa desisyon, ang alegasyon na unconstitutional ang House Bill 6608 na siyang lumilikha sa MIF ay hindi sapat upang repasuhin ito ng Korte Suprema.

“Colmenares et al.’s mere allegation of unconstitutionality of the President’s certification of HB 6608 and the passage of the bill by the House are not sufficient to warrant review by the Court,” sabi ng SC sa desisyon.

“In fact, and by their own admission, the Senate has yet to act on the counterpart bill of HB 6608. To date, no law has been passed and HB 6608 remains pending with the House for further revisions, eliminating petitioners legislators’ concerns regarding the expedited passage of HB 6608 in the House,” sabi pa ng SC.

Ayon sa Korte Suprema walang dahilan upang pansinin nito ang “premature petition” ang isang panukala na hindi pa man lamang naisasabatas.

Inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang MIF bill sa botong 279 pabor at anim na tutol.

Layunin ng MIF na gamitin ang mga nakatiwang-wang na pondo ng mga piling ahensya ng gobyerno para mapondohan ang mga mahahalagang proyekto na makapagpapabuti sa buhay ng mga Pilipino.