PetroGazz Lindsey Vander Weide – 34 points sa Game 1. PVL photo

PetroGazz, lusot sa Cignal

Theodore Jurado Dec 2, 2022
365 Views

NAGPAKITA ng katatagan ang PetroGazz bago malusutan ang Cignal, 25-21, 27-25, 37-35, at makalapit na mapanatili ang korona sa Premier Volleyball League Reinforced Conference kagabi sa Smart Araneta Coliseum.

Tinuldukan ni Lindsey Vander Weide ang epikong 45-minute third set sa pamamagitan ng kill – ang kanyang ika-34 na puntos ng laro – na siyang nagbigay sa Angels ng 1-0 bentahe sa best-of-three series.

Bagama’t ito ay straight-set loss, subalit nagbigay ng magandang laban ang HD Spikers bago tumiklop sa kanilang Finals debut.

Nakatakda ang Game 2 sa alas-5:30 ng hapon sa Martes sa Philsports Arena.

Epektibo si Vander Weide sa atake sa 31-of-53 bukod sa walong digs at limang receptions para sa PetroGazz.

Tumipa si Aiza Maizo-Pontillas ng 10 kills at 10 receptions, habang bumira si Myla Pablo ng 10 points para sa Angels.

Nanguna si Tai Bierria para sa Cignal na may 18 points, habang nag-ambag si Ces Molina ng siyam na kills at 11 receptions.

Samantala, pinantayan ni Jeanette Panaga ang season-high sa blocks nang daigin ng Creamline, wala sa Finals sa unang pagkakataon magmula pa noong 2017, ang Chery Tiggo, 25-22, 22-25, 25-5, 25-19, upang makalapit sa pagkamit sa third place.

Nagposte ng siyam na blocks si Panaga upang maitabla ang marka ni Roselyn Doria na ginawa sa panalo ng Cignal kontra sa PLDT, 17-25, 20-25, 27-25, 25-22, 15-5 sa battle for bronze medal sa Invitational Conference noong August 14.