Embassy Nag-host ang Philippine Embassy sa Washington D.C. ng mga PH diplomat mula sa iba’t ibang parte ng United States para sa 2022 year-end Planning Conference for Philippine Foreign Service Posts sa U.S. Nasa larawan sina (mula kaliwa, nakaupo): Deputy Chief of Mission (DC) Jaime Ramon T. Ascalon, Jr., Consul General (Agana) Patrick John U. Hilado, Consul General (Chicago) J. Susana Paez, Consul General (Honolulu) Emil T. Fernandez, Consul General (Houston) Jerril G. Santos, Ambassador Jose Manuel G. Romualdez, DFA Assistant Secretary Jose Victor Chan-Gonzaga, Consul General (Los Angeles) Edgar B. Badajos, Consul General (New York) Elmer G. Cato, Consul General (San Francisco) Neil Frank R. Ferrer, at Consul General (DC) Iric Cruz Arribas. 

PH Embassy pinangunahan 2022 planning  conference ng mga foreign service post sa US

191 Views

PINANGUNAHAN ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel G. Romualdez ang pagsasagawa ng bi-annual na Planning Conference para sa mga Philippine Foreign Service Posts sa Estados Unidos.

Tinalakay sa pagpupulong ang mga bilateral security at economic relations ng Pilipinas at Estados Unidos at ang estratehiya at programa upang mas lalong mapaunlad ang relasyon ng dalawang bansa.

Binalangkas din ang mga estratehiya upang mas mapaganda ang mga serbisyong hatid ng consular at ATN sa Estados Unidos at maitaguyod ang kulturang Pilipino at mas lalong maipakilala ang mga lutuing Pilipino kasabay ng pagpapa-unlad ng pakikipag-ugnayan ng mga ito sa ibang lahi.

Ipinaalala ni Ambassador Romualdez na ang seguridad sa ekonomiya ang pangunahing prayoridad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. lalo at bumabangon ang Pilipinas mula sa mga epekto ng COVID-19 pandemic.

Nabanggit din ni Ambassador Romualdez ang matagumpay na pakikipag-ugnayang ginawa ni Pangulong Marcos sa New York noong Setyembre kung saan kasama sa mga nakapulong nito si US President Joseph R. Biden.

Pinaboran din ni Ambassador Romualdez ang planong inihanda ng Consuls General, economic officers at kinatawan ng US FSP at kanilang mga partner agencies na susugan ang nalikhang ugnayan sa naging pagpupulong ng dalawang lider.

Dumalo rin sa pagpupulong sina DFA Assistant Secretary for American Affairs Jose Victor Chan-Gonzaga, Consuls General at iba pang opisyal mula sa lahat ng Foreign Service Posts sa Estados Unidos, at mga kinatawan ng Department of Trade and Industry, Department of Agriculture, Department of Tourism, Department of National Defense, Department of Labor at Philippine National Police na nakabase sa Amerika.

Idinaos ang conference sa Washington D.C. mula Nobyembre 8-9, 2022.