Calendar
PH muling ipinagtibay paninindigan sa pagdepensa ng WPS
MULING tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na patuloy na igigiit ng Pilipinas ang karapatan nito sa West Philippine Sea (WPS) gamit ang 2016 Arbitral Ruling bilang gabay.
Ang makasaysayang desisyon ng United Nations Arbitral Tribunal noong 2016 ay opisyal na nagdiriwang ng ika-9 na anibersaryo nitong Hulyo 12.
“Kasama ng UNCLOS (United Nations Convention on the Law of the Sea), ang Arbitral Award ay patuloy na magiging pundasyon ng maritime policy ng Pilipinas at ng matatag nitong paninindigan para sa kaayusang nakabatay sa mga batas internasyonal,” ayon sa pahayag ng DFA.
“Ang sambayanang Pilipino ay laging huhugot ng inspirasyon at patnubay mula sa 2016 Arbitral Award sa South China Sea sa paggiit ng mga karapatan at interes ng bansa sa karagatang sakop nito at sa pagtatanggol sa ating soberanya, sovereign rights, at hurisdiksyon,” sinabi ng DFA.
Ayon sa DFA, mula nang ipalabas ang desisyon, ito ay naging gabay para sa mapayapang resolusyon ng mga sigalot sa dagat.
Dagdag pa ng ahensya, ang desisyon ay kinikilala na sa internasyonal na batas, at ilang pandaigdigang tribunal gaya ng International Tribunal on the Law of the Sea (ITLOS) at International Court of Justice (ICJ) ang gumamit nito sa kanilang mga desisyon—lalong nagpapatibay sa legalidad at pinal na katayuan ng ruling.
Tinawag ng DFA ang desisyon bilang “maliwanag na huwaran” para sa ibang bansang humaharap sa katulad na mga hamon, at paalala na ang batas ay isang makapangyarihang pantay-pantay na tagapagpatupad at pundasyon ng pandaigdigang kapayapaan.
Bukod sa paggunita sa okasyong ito, sinabi ng DFA na ipagpapatuloy ng pamahalaan ang pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa mga karapatan at obligasyon ng bansa sa ilalim ng UNCLOS.
Dagdag nila, paiigtingin din ng Pilipinas ang pakikipagtulungan sa mga bansang kapareho ng pananaw sa pagtataguyod ng rule of law.
Pagtatanggol sa WPS
Samantala, iginiit ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief Gen. Romeo Brawner Jr. na nananatiling matatag ang AFP sa pagdepensa sa karapatan at interes ng Pilipinas sa WPS.
“Siyam na taon na ang nakalipas mula nang pumanig ang mundo sa katotohanan. Noong Hulyo 12, 2016, kinatigan ng Permanent Court of Arbitration ang sovereign rights ng Pilipinas sa WPS. Higit pa ito sa isang legal na desisyon—ito ay pagkilala sa matagal nang paniniwala ng bawat Pilipino na ang mga tubig, yaman, at pamana na ito ay atin,” sabi ni Brawner.
Tinukoy niya ang WPS bilang isang “lifeline” at mahalagang daanang-dagat na nagpapakain sa libo-libong Pilipino.
“Kaya’t buong puso kaming nakatuon sa pagprotekta rito. Araw-araw, ang ating mga sundalo, mandaragat, at mga piloto ay nagsasagawa ng pagbabantay. Binabantayan ang himpapawid at katubigan. Nakikipagtulungan kami sa iba’t ibang ahensya upang masigurong ligtas ang ating mga mangingisda at protektado ang ating karagatan,” dagdag niya.
Aniya, isinasagawa ang mga hakbang na ito nang tahimik at walang papansin dahil naniniwala ang AFP na ang tunay na serbisyo ay hindi kailangang ipagmayabang.
“Ginagawa namin ito dahil pagdating sa ating soberanya—walang kompromiso,” wika niya, sabay sabing ang misyon na ito ay hindi lamang sa militar, kundi para sa buong sambayanan.
“Ang misyon na ito ay misyon ng bawat Pilipino. Kumukuha kami ng lakas sa inyong tiwala at suporta. Sapagkat kapag nagkakaisa ang sambayanang Pilipino—walang makakatalo sa atin,” aniya.
“Ang WPS ay bahagi ng ating pamana. Tungkulin natin itong ipagtanggol nang may tapang, talino, at pagkakaisa,” dagdag ni Brawner.
Noong Hulyo 12, 2016, ibinasura ng Arbitral Tribunal na binuo sa ilalim ng 1982 UNCLOS ang tinatawag na “nine-dash line” ng Tsina bilang ilegal.
Ang invisible demarcation na ito—na ngayon ay pinalawak pa sa “10-dash line”—ay sumasaklaw sa malaking bahagi ng South China Sea, kabilang ang exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas sa WPS.
PNA

