Delima Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima

Reso para DU30 makabalik sa PH ‘suntok sa buwan’ — De Lima

Mar Rodriguez Jul 12, 2025
376 Views

HINDI masama ang mangarap.”

Ito ang mistulang nais ipahiwatig ni Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila M. de Lima matapos nitong barahin at tuligsain ang resolusyon sa Senado para sa agarang pagpapabalik kay dating Pangulong Rodrigo R. Duterte sa Pilipinas mula sa The Hague.

Pagbibigay diin ng dating Department of Justice secretary na isang panaginip lamang umano ang nais mangyari ng Mataas na Kapulungan sapagkat walang legal na bigat kasunod ang matibay na pamantayan para pagbasehan ng pagpapabalik kay Duterte sa Pilipinas.

Muling iginiit ni De Lima na maituturing din na isang “political posturing” ang Senate resolution sapagkat walang kapangyarihan ang gobyerno ng Pilipinas para pabalikin sa bansa ang dating pangulo na nahaharap sa patong-patong na kaso.

Nauna rito, ipinahayag ng neophyte congresswoman na: “Sa tingin ko, political posturing lang iyang Senate resolution kasi wala po sa kapangyarihan ng ating gobyerno na pabalikin si Duterte sa Pilipinas. Hindi po masama ang managinip.”

Kasabay nito, binigyang-diin ni De Lima na ang International Criminal Court (ICC) ay isang indipendiyenteng pandaigdigang tribunal kung saan ito ay mayroong sapat na hurisdiksiyon sa mga krimeng kinasangkutan at ginawa ni Duterte.

Ipinaliwanag pa ni De Lima na maaaring hindi bibigyan ng halaga o pakikinggan ng ICC ang Senate resolution sapagkat hindi aniya basta-basta matitinag ang ICC sa mga resolusyong lokal kahit na may mga political pressure dahil sa kanilang pagiging independent.

Dahil dito, para kay De Lima, maituturing na “suntok sa buwan” ang resolusyon ng Senado kung pagbabatayan ang legal issues na nakapaloob sa ICC.