Personnel

Trust fund para sa uniformed personnel isinusulong

398 Views

ISINUSULONG ni Senate President Francis “Chiz” G. Escudero ang pagtatatag ng ₱20-bilyong Social Benefits Trust Fund na magbibigay ng pangmatagalang suporta sa mga miyembro ng uniformed services at kanilang mga pamilya.

Sa pamamagitan ng Senate Bill No. 276, layunin ni Escudero na maisabatas ang Comprehensive Social Benefits Program (CSBP). Saklaw ng panukalang batas ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) Active Auxiliary, Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Bureau of Corrections (BuCor), at Philippine Coast Guard.

Binigyang-diin ng senador ang kahalagahan ng pagkakaroon ng sistematikong benepisyo para sa mga uniformed personnel na araw-araw humaharap sa panganib.

“Nararapat lamang na matugunan ang mga pangangailangan ng ating mga uniformed personnel kapag may mangyari sa kanila—sa giyera man o habang nagreresponde sa krimen, sunog, at iba pang mga sitwasyon na peligroso,” aniya. “Ganun na rin para sa kanilang kaanak at mga mahal sa buhay. Responsibilidad ito ng ating pamahalaan.”

Ayon sa panukala, ang pondo ay ilalaan sa pagbibigay ng lump sum financial assistance sa mga naulilang pamilya o sa mga kawani na nagkaroon ng total permanent disability habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.

Kabilang din sa mga benepisyo ang edukasyonal na suporta sa pamamagitan ng scholarships at study grants mula sa mga kaugnay na ahensya ng pamahalaan. Mayroon ding tulong para sa pabahay na maaaring gamitin sa pagpapagawa, pagkukumpuni, o pagpapabuti ng tirahan ng mga kwalipikadong benepisyaryo.

Saklaw rin ng programa ang serbisyong medikal sa ilalim ng Universal Health Care at iba pang mga programa ng Department of Health. Bukod dito, maaaring maisama ang mga benepisyaryo sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) o makatanggap ng buwanang subsidiya sa bigas na katumbas ng 40 kilo o halagang salapi.

Bahagi rin ng plano ang pagbibigay ng employment assistance sa mga kaanak ng mga unipormadong kawani, sa pamamagitan ng kani-kanilang mga institusyon.

“It is about time that we look after the welfare of the people who have been keeping us safe,” saad ni Escudero, sabay pagtitiyak na nananatili ang pangakong suporta ng Senado sa mga lingkod-bayan.

Ang panukalang batas ay kabilang sa unang 20 panukala ni Escudero para sa ika-20 Kongreso—isang patunay ng kanyang adbokasiya para sa mga repormang kumikilala sa sakripisyo ng mga tagapagtanggol ng bayan.

Sa huli, sinabi ni Escudero na layunin ng panukala na gawing kongkreto at maaasahan ang pasasalamat ng bansa sa mga naglilingkod sa harapan. “We vow to constantly look for ways to thank them for their service,” dagdag pa niya.