BFAR

BFAR hinimok: Mahusay na serbisyo panatilihin

Cory Martinez Jul 12, 2025
320 Views

HINIMOK ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na panatilihin ang mahusay na paghahatid serbisyo sa pangangailangan ng mga mangingisda.

Sa kanyang talumpati sa 78th founding anniversary ng BFAR, pinuri ng kalihim ang kontribusyon ng BFAR sa pagbabago sa kanayunan subalit pinaalalahan niya ang ahensiya na ang tunay na tagumpay ay nakasalalay sa kung paano mabago ang buhay ng mga nasa baybaying komunidad.

“Ang selebrasyong ito ay hindi lamang para sa atin, ito ay para sa mga mangingisdang ating pinagsisilbihan at sa mga yamang dagat na ipinagkatiwala sa atin para protektahan,” ani Tiu Laurel.

Ang anibersaryo, na may temang “Ahensiyang Aksiyon Agad,” kapwa pagpupugay at paghamon at kinikilala ang legasiya ng kawanihan habang isinusulong ang resulta ng serbisyo.

Binigyang-diin ni Tiu Laurel ang importansiya ng pinasimpleng proseso sa gobyerno upang bigyang-daan ang BFAR na makatugon kaagad sa mga hamon sa labas at matugunan agad ang mga banta sa seguridad sa pagkain at kalusugan ng publiko.

Nangako si Tiu Laurel ng buong suporta sa mga programa na magbibigay hindi lamang ng pag-asa kundi konkreto at inlusibong paglago ng sektor.

Inihalintulad nito ang serbisyo publiko sa mga alon na walang tigil, hindi nagbabago at matapang gaya ng mga mangingisda na pumapalaot kada araw.

Habang papasok na ang BFAR sa kanyang ika-79 taon, malinaw ang mensahe ni Tiu Laurel: ang pag-unlad ay hindi lamang nagmumula sa magandang intensiyon kundi sa mabilis na aksiyon, istratehiko at nakaangkla sa malasakit.