Pondo Source: FB file photo

PH pinapaghanda vs chemical attacks, pono hiniling

52 Views

BINIGYANG-DIIN ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada ang pangangailangang maglaan ng pondo sa 2025 pambansang badyet para masiguro ang kahandaan at kakayahan na tutugon sa anumang posibilidad laban sa mga chemical attacks.

Ayon kay Estrada, walang nakalaang pondo sa panukalang P6.352 trilyong badyet ng bansa para sa mga insidente ng mass casualty na may kinalaman sa chemical, biological, radioactive, at nuclear (CBRN) incidents, pati na rin ang operasyon laban sa weapons of mass destruction.

“Can they respond to the people kung saka-sakaling may ganung klaseng insidente?” tanong ng chairperson ng Senate Committee on National Defense and Security sa deliberasyon ng Senado ukol sa panukalang P265.98 bilyong badyet ng Department of National Defense (DND) para sa 2025.

Sa kanyang sponsorship noong Nobyembre 6 ng Senate Bill No. 2871 o ang panukalang Chemical Weapons Prohibition Act, tinanong ni Estrada ang kakayahan ng DND sa pagharap sa mga banta ng CBRN at ang countering weapons of mass destruction operations.

Layon ng SBN 2871 na ipagbawal ang mga aktibidad na may kaugnayan sa paggamit at paggawa ng chemical weapons.

“Do you think the Philippines is well prepared for any eventuality?” tanong ni Estrada kay Sen. Ronald dela Rosa, na siyang nagtanggol sa badyet ng defense sector.

Nang tanungin tungkol sa isang insidente ng chemical weapons attack, isinalaysay ni Dela Rosa ang 1995 Tokyo subway sarin attack kung saan nagpakawala ang kultong Aum Shinrikyo ng sarin gas, isang lubhang nakalalasong nerve agent, sa mga tren ng subway noong rush hour. Ang insidente ay ikinasawi ng 13 katao at ikinasugat ng mahigit 1,000 iba pa.

“Kasi kung hindi natin popondohan ito, balewala itong batas na ipinapanukala natin. If this will not be funded, the bill which I already sponsored on the floor, mababalewala ito. I just hope and pray na wala naman mangyayaring ganito sa ating bansa today and in the near future,” sabi ni Estrada.

Binigyang-diin din niya na sa tatlong dekada mula nang maging signatory ang bansa sa 1993 Chemical Weapons Convention (CWC), hindi pa rin natutupad ng Pilipinas ang obligasyon nito sa kasunduang layuning burahin ang chemical weapons.

“This Senate concurred in the ratification of the CWC but we have not approved the national legislation needed to fully implement the provisions of this important international treaty,” ani Estrada.

Idinagdag niya na ang pagsasabatas ng SB 2871, na nagtatakda ng mga paglabag, parusa, at mga alituntunin sa pagpapatupad kaugnay ng chemical industry, ay isang obligasyon sa ilalim ng CWC.

Sa masusing pagsusuri sa badyet ng DND, iginiit din ni Estrada ang pangangailangan para sa pag-upgrade ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Medical Center o mas kilala bilang V. Luna General Hospital, upang masiguro ang pagbibigay ng komprehensibong tertiary health care services sa mga aktibong sundalo.

Bagamat inilaan ang 75 porsiyento ng tinatayang taunang kita nitong P100 milyon para sa operasyon ng V. Luna Hospital, binanggit ni Estrada na kulang pa rin ang pasilidad sa mga pangunahing kagamitang medikal.

Sinabi ni Estrada na handa siyang magmungkahi ng mga amyenda upang maglaan ng karagdagang pondo para sa V. Luna Hospital.