Chinese1

PH walang isinusuko, di yuyuko kahit makipag-usap sa Chinese officials

110 Views

IGINIIT ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na hindi nangangahulugan ng pagsuko ng teritoryo ang anumang posibleng pakikipag-usap sa mga opisyal ng Chinese embassy kaugnay ng West Philippine Sea (WPS).

“Wala tayong isinusuko; at lalong hindi tayo yumuyuko kaninuman sa anumang posibleng pag-uusap sa Chinese embassy,” sabi ni Lacson matapos ipahayag ni Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan ang kahandaang makipagdayalogo sa mga lider ng bansa upang maibsan ang palitan ng maaanghang na pahayag sa isyu.

Ayon sa kanya, hindi pag-uusapan sa naturang dayalogo ang pagmamay-ari ng mga pinagtatalunang lugar kundi ang pagtatatag ng malinaw na linya ng komunikasyon sa pagitan ng dalawang panig.

“Baka may middle ground na pwede tayong makipag-usap. Hindi yung yumuko tayo, ‘sige sa inyo na nga yan para lang maayos na ang ating usapan.’ Hindi ganoon,” dagdag niya.

Pinuri rin ni Lacson ang inisyatibo ni Sen. Erwin Tulfo na makipagpulong sa mga opisyal ng embahada.

Dagdag pa ni Lacson, dapat tiyakin muna ng mga senador ang malinaw na komunikasyon sa isa’t-isa bago makipag-ugnayan sa Chinese embassy.