Ortega Deputy Speaker Paolo Ortega V Source: PTV

Ortega: May platform si VP Sara na depensahan sarili, pinili nyang manahimik

106 Views

SINABI ni Deputy Speaker Paolo Ortega V ng La Union noong Lunes na nagkaroon ng sapat na pagkakataon si Bise Presidente Sara Duterte upang sagutin ang mga paratang laban sa kanya ngunit “pinili niyang manahimik,” na aniya’y isang pagkukulang sa komunikasyong pampulitika na maaaring lalo pang nagpalala sa kanyang sitwasyon.

Sa panayam sa mga mamamahayag, sinabi ni Ortega na maaari sanang agad na sinagot ng Bise Presidente ang mga akusasyon laban sa kanya.

“Sabi ko nga, she had all of the time, she had the platform, she had the position to defend herself but she chose to be quiet about it and just turn her back,” ani Ortega.

“So dapat po sinagot agad ‘yung mga alegasyon na ‘yan at sinagot na ‘yung mga binabato sa kanya then maybe things should have been different,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin ni Ortega na mas mataas ang pamantayang inaasahan sa mga opisyal ng pamahalaan, lalo na sa mga naghahangad ng pinakamataas na posisyon sa bansa.

“Since she is in a different light, you put her in a category na where she is running for the highest position in the land. If she wants to be the president, so kung mataas ang tatakbuhin mong position, you are held to a higher standard. Kung tatakbo ka, huwag kang tumakbo, harapin mo,” ani Ortega.

Nang hilingan ng paglilinaw, iginiit ni Ortega na hinihikayat niya ang Bise Presidente na harapin nang direkta ang mga isyu. “Kung tatakbo ka, huwag kang tumakbo, harapin mo.”

Dagdag pa niya, ang mga paglilitis kaugnay ng impeachment ay daraan sa tamang proseso at tatalakayin nang maingat at naaayon sa batas.