Calendar
BI tiniklo 3 Hapones, 1 Chinese na sangkot sa fraud, scamming
INARESTO ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong Japanese at isang Chinese na umano’y sangkot sa telecommunications fraud, online gaming scams, at iba pang ilegal na gawain sa Angeles City, Pampanga noong Pebrero 18.
Naaresto ang apat sa pakikipagtulungan ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) matapos makatanggap ng impormasyon na ang mga suspek ay sangkot sa telecommunication fraud, online gaming fraud, at isang kidnapping-for-extortion scheme.
Dalawang babaeng mukhang Japanese ang nagtangkang sumakay ng sasakyan upang umiwas sa operasyon ngunit na-intercept ng mga ahente sa lugar.
Nakilala ang mga naarestong suspek na sina Oi Riho, 27; Moriyama Yu, 31; Kato Hiroaki, 42; na pawang Japanese at ang Chinese national na si Wang Xinyu, 32.
Nabigo silang magpakita ng pasaporte o balidong identification documents. Natuklasan na sina Oi at Kato ay overstaying at undocumented aliens.
Si Moriyama ay kinasuhan ng harboring illegal aliens at pagiging undocumented, habang si Wang ay kinasuhan ng overstaying, pagiging undocumented at undesirability.
Itinanggi ng mga suspek ang pagkakasangkot sa kidnapping at extortion ngunit inamin ang kanilang partisipasyon sa scamming activities at online gaming fraud operations sa Angeles City.
Batay sa intelligence information, si Wang ay tinukoy bilang logistics head ng scam hub, na responsable sa pagsasanay ng mga tauhan at pamamahala ng operasyon.
“Hindi natin papayagan na maging breeding ground ang Pilipinas para sa scam hubs, kidnapping schemes, at transnational fraud operations,” sabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado.
Dagdag pa ni Viado, magpapatuloy ang mga operasyon laban sa mga foreign-led scam networks sa buong bansa bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa organized transnational crime.

