Pimentel1

Pimentel sa legal na hakbang ni VP Sara: Igalang ang proseso

21 Views

NANAWAGAN si Senador Aquilino “Koko” Pimentel nitong Lunes sa Kapihan sa Senado na dapat igalang ng lahat ng panig ang pormal na proseso kaugnay ng impeachment case laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte at iwasan ang mga hakbang na maaaring makasira sa kredibilidad ng impeachment court ng Senado.

Ito ay matapos magsumite ang kampo ng Pangalawang Pangulo ng “Entry of Appearance Ad Cautelam,” isang legal na hakbang na nagpapakita ng kanilang pakikilahok sa pagdinig habang nananatiling bukas ang posibilidad na kuwestyunin ang legalidad ng paglilitis. Ang ganitong istratehiya ay karaniwan na ginagamit bilang pagpasok sa kaso nang may pag-iingat o pagtutol.

Bagama’t hindi pa tuwirang tumugon si Pimentel sa hakbanging ito malinaw sa kaniyang naunang pahayag ang kaniyang paninindigan na hindi dapat gawing hadlang ang mga komplikadong legal na teknikalidad sa pag-usad ng proseso.

“We must avoid overly complicated innovations that only serve to create friction and delay justice,” kung saan ay iginiit niya, at binigyang-diin na ang impeachment court ay dapat kumilos nang may “clarity, integrity, and urgency.”

Samantala, kinilala ni Atty. Reginald Tongol, tagapagsalita ng Senate Impeachment Court, ang nasabing paghain bilang inaasahan at bahagi ng pormal na proseso. Ipinaliwanag niyang hindi ito magdudulot ng pagkaantala sa paglilitis maliban kung may kasamang mosyon para sa dismissal o katulad na hakbang. “As far as the impeachment court is concerned, this is just a formal step,” pahayag ni Tongol sa media.

Gayunpaman, iginiit din ni Tongol na obligadong pag-usapan ng korte ang anumang pormal na hamon sa hurisdiksiyon ng Senado o legalidad ng kaso, na maaaring magdulot ng pagkaantala. Dagdag pa niya, hinihintay pa ng korte ang pinal na tugon mula sa Kamara at ang buong sagot ng Pangalawang Pangulo bago simulan ang pretrial.

Muling binigyang-diin ni Pimentel ang tungkulin ng Senado na ipagpatuloy ang paglilitis matapos kilalanin ang mga artikulo ng impeachment, at nagbabala sa paggamit ng teknikalidad bilang balakid sa katarungan. “We are not politicians in that courtroom—we are judges,” paalala niya sa mga kapwa senador-hukom ukol sa kanilang pananagutan sa Konstitusyon at pagiging patas sa proseso.