Teofimar Renacimiiento

Pinagbili ni Isko Moreno ang Divisoria Public Market!

383 Views

PANGALAWA AT HULING BAHAGI

NGAYONG ipinagbili na ni Domagoso ang Divisoria Public Market sa pribadong negosyante, saan na pupunta ang mga maliliit na negosyanteng may mga pwesto sa nasabing palengke?

Mura lang ang kanilang upa sa mga pwesto sa Divisoria Public Market nung pag-aari pa ito ng lungsod ng Maynila. Ngayong pribadong negosyante na ang may-ari nito, siguradong tataas na ang upa nila. Marami sa kanila ang mawawalan ng hanap-buhay at negosyo, dahil kay Domagoso.

Kawawang mga maliliit na negosyanteng Pilipino! Tinanggalan sila ng hanap-buhay at negosyo ng Mayor Domagosong nagpapanggap na makatao at makamahirap!

Mabuti pa si dating Mayor ng Maynila Joseph “Erap” Estrada. Hindi niya ipinagbili ang Divisoria Public Market. Alam ni Erap na maraming mamamayang nakikinabang sa nasabing pamilihan.

Malaking kasalanan hindi lang sa mga taga-Maynila kung hindi pati rin sa mga mamamayang Pilipino ang pagbenta ni Domagoso sa Divisoria Public Market.

Alam ng lahat ng Pilipino na mura ang mga bilihin sa Divisoria. Ang mabababang presyo ng mga bilihin dito ay umaakit ng maraming pangkaraniwang Pilipinong naghahanap ng murang bilihin.

Malaking tulong ang murang halaga ng mga bilihin sa Divisoria sa kanila, lalong-lalo na sa kasalukuyang panahon ng pandemya, kung kailan maraming Pilipino ang walang hanap-buhay at tuloy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin tulad ng gasolina, bigas, gatas, atbp.

Para sa maraming mahihirap na Pilipino, ang Divisoria at ang murang halaga ng mga bilihin dito ay nagdudulot ng munting ligaya sa kanila.

Ngayong pag-aari na ng pribadong negosyante ang Divisoria Public Market, wala na yung kaligayahang iyon. Ibinenta na ni Domagoso iyon sa altar ng salapi at kalakalan.

Tapos, eto si Domagoso, pakunwari pa siyang makatao at kakampi ng mga mahihirap. Kasinungalingan!

Ipinapangako ni Domagoso na kapag mahalal siya bilang pangulo, maraming libreng biyaya ang makakamit ng taong-bayan sa kanyang pangasiwaan.

Kung ganon, saan naman kaya kukunin ni Domagoso ang malaking salapi para ipatupad niya ang kanyang pangako? Malamang, ipagbibili ni Domagoso ang mga lupaing pag-aari ng Pilipinas sa mga nais bumili ng mga ito.

Maaring mawala sa bansa ang mga pampublikong mga ospital tulad ng Philippine General Hospital at Heart Center, pati na rin ang mga kampo tulad ng Camp Aguinaldo at Camp Crame.

Kung kinaya ni Domagoso na ipagbili ang Divisoria Public Market, hindi malayong marami pang ibang pag-aari ng bansa ang kanyang ipagbibili, sa kahit anong dahilan.

Hindi na maipagbibili ni Domagoso ang Fort Bonifacio dahil nabenta na ito ni Pangulong Fidel Ramos, and pangulong tinangkilik ni Pangulong Corazon Aquino sa halalan nung Mayo 1992.

Hoy, Dr. Willie Ong! Kung totoong malinis na pamahalaan ang hangarin mo sa iyong pagtakbo sa pagka-bise presidente ni Domagoso, bakit hindi mo binatikos ang pagbenta ni Domagoso sa Divisoria Public Market?

Hindi dapat ihalal ng taong-bayan si Domagoso bilang pangulo. Hindi ikabubuti ng mga Pilipino na magtagumpay ang mapagkunwaring Domagoso. Dapat pulutin siya sa kangkungan matapos ang bilangan ng boto sa darating na halalan.