Martin

Pinakamalaking BPSF naghatid ng P913M tulong sa 250K benepisaryo sa Davao del Norte

Mar Rodriguez Jun 7, 2024
114 Views

UMABOT sa 250,000 benepisyaryo sa Davao del Norte ang nahatiran ng P913 milyong halaga ng tulong pinansyal at serbisyong pang edukasyon at pangkabuhayan sa pinakamalaking Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) mula ng simulan ito ng administrasyong Marcos noong nakaraang taon.

Pinangunahan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang makasaysayang 168 miyembro ng Kamara de Representantes na dumalo sa event sa Tagum City Davao del Norte ang pagpapaabot ng pasasalamat sa mga lokal na opisyal at pamahalaang lokal sa matagumpay na Serbisyo Caravan.

“Lubos po ang ating galak sa dami ng mamamayang na-serbisyuhan ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair na hatid ng ating mahal na Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa Davao del Norte.

Damang-dama ng ating mga mamamayan ang tulong at kalinga ng ating pamahalaan,” ani Speaker Romualdez, lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 kinatawan.

“Ito na po ang pinakamalaking Service Caravan sa dami ng benepisyaryong natulungan. Halos 220,000 na ang ating naserbisyuhan at nabigyan ng tulong pinansyal. Patunay lamang ito na prayoridad in Pangulong Marcos Jr. ang bawat mamamayang Pilipino,” dagdag niya.

Ayon kay House Deputy Secretary General Sofonias “Ponyong” P. Gabonada Jr., isa sa mga lider ng BPSF National Secretariat, ang paghahatid ng tulong at serbisyo sa 250,000 benepisyaryo ay isang patuloy na ang administrasyon ni Pangulong Marcos, katuwang si Speaker Romualdez ay gumagawa ng paraan upang matulungan ang mga nangangailangang Pilipino.

Dagdag pa ni Gabonada, “BPSF, a flagship program of the Marcos administration, had already provided billions in financial aid, livelihood assistance and government services in 19 provinces.”

“The BPSF in Davao del Norte is the 19th installment of the Service Caravan, which is envisioned to visit all 82 provinces in the Philippines. It is the 8th in the whole of Mindanao, together with Zamboanga City, Bukidnon, Agusan del Norte, Sultan Kudarat, Davao de Oro and Tawi-Tawi,” pagbabahagi pa ni Gabonada, matapos ang Tawi-Tawi BPSF na dinaluhan ng 95 miyembro ng Kamara.

Kinatawan ni Speaker Romualdez si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagbubukas ng dalawang araw na BPSF Davao del Norte na idinaos sa Davao Del Norte Sports and Tourism Center noong Biyernes.

Nito lang Huwebes ay personal na iniabot ni Pangulong Marcos ang nasa halos P60 milyong tulong pinansyal sa ilalim ng Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolk (PAFF) para tulungan ang mga Pilipinong apektado ng El Niño sa Davao Region.

Sa dalawang magkahiwalay na PAFF, ipinagkaloob I Pangulong Marcos ang tig-P10 milyong halaga ng tulong sa Davao de Oro, Davao del Norte at Davao Oriental sa Tagum City, P19.52 milyon naman sa Davao del Sur, at P10 milyon din sa Davao Occidental sa Digos City.

Binigyang diin dito ng Pangulong Marcos ang mga programang pang imprastraktura ng pamahalaan para tulungang umangat ang buhay ng mga residente ng Davao kasunod na rin ng malaking pag-unlad ng rehiyon.

Bilang patotoo sa bansag na “Mr. Rice”, pinangunahan ni Speaker Romualdez ang pamamahagi ng 30,000 na kilo ng bigas sa libong benepisyaryo sa Davao del Norte.

Sina acting Davao Del Norte Governor De Carlo “Oyo” Uy at Tagum City Mayor Rey T. Uy ang nagsilbing local co-hosts ng programa.

Nasa 62 ahensya ng pamahalaan ang nakibahagi dala ang nasa 235 na serbisyo para sa 250,000 na benepisyaryo sa dalawang araw na BPSF Davao del Norte.

Aabot sa P913 milyong halaga ng programa at serbisyo ang ipinagkaloob sa mga taga probinsya kung saan P483 milyon ay tulong pinansyal.

“We made history din po dahil lagpas dalawang milyong beneficiaries na ang ating naabot sa ating BPSF. Lagpas dalawang milyong Pilipino na po ang nakikinabang sa direktang benepisyo ng Service Caravan sa mamamayan,” pagbibida ni Speaker Romualdez.

Tuloy-tuloy din ang Department of Social Worker and Development (DSWD) sa payout sa Davao del Norte kung saan umabot sa 80,000 na indibidwal ang nagbenepisyo sa AICs at AKAP program na may kabuuang P20 milyon ang halaga.

Ilan pa sa mga aktibidad na ikinasa ang pagkakaloob ng scholarship ng TESDA at CHED kasama ang pangkabuhayan sa mga natukoy na benepisyaryo sa buong Davao del Norte.

Mayroon ding P429 milyong halaga ng in-kind assistance na nahahati sa P30 milyon na serbisyong pangkalusugan, P392 milyon para sa serbisyong agrikultural, P54 milyon na pangkabuhayan at P174 milyong tulong pang edukasyon ang ipinagkaloob sa mga residente ng probinsya.

“Hindi po natutulog ang ating pamahalaan. We continue to find ways to alleviate the condition of Filipino families, especially those who need assistance to tide them through many difficult days.

Sinisikap ng administrasyong Marcos na iahon ang ating bansa sa kahirapan at sabay-sabay na aangat ang lahat,” giit ni Speaker Romualdez.

Idaraos rin ang libreng Pagkakaisa Concert Biyernes ng gabi sa Davao Del Norte Sports and Tourism Center kung saan nasa 40,000 ang inaasahang dadalo.

Sa kanyang talumpati nitong Huwebes sa PAFF distribution, sinabi ni Pangulong Marcos na doble-kayod ang kanyang administrasyon upang masigurong magbebenepisyo ang mga residente mula sa mga programa ng pamahalaan.

Kabilang dito nag Mawab-Maragusan-Caraga Road, Carmen-Tagum City Coastal Road, Tagum City Bypass Road and Mindanao Railway Project Phase.

Malapit na aniyang matapos ang mga proyektong ito na makatutulong sa pagpapabilis ng pag-unlad ng rehiyon.

Tinukoy din ng Pangulo ang ipinapatayong pitong palapag na Davao Regional Medical Center (DRMC) sa Apokon, Tagum City, na magbibigay ng mas dekalidad na serbisyong pangkalusugan at medikal sa rehiyon.

Pinabibilis na rin aniya ng gobyerno ang konstruksyon ng New Visayas-Tulalian Farm-to-Market Road para mas maging mabilis ang pagbiyahe ng mga produktong agrikultural sa mga pamilihan.

Ang pagbisita ng Pangulo ay bahagi ng pagpapa-abot ng tulong sa lalawigan ng Davao de Oro, Davao del Norte and Davao Oriental.

Ipinag-utos na rin ng Pangulo sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na pabilisin ang pagtapos sa flood control projects sa Davao Region.