Balisacan

Pinakamataas na paglago ng ekonomiya sa nakalipas na 46 taon naitala ng PH

135 Views

SA ilalim ng pamamahala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay naitala ng Pilipinas ang pinakamataas na paglago ng ekonomiya nito sa nakalipas na 46 taon.

Ang Gross Domestic Product (GDP) ng Pilipinas noong 2022 ay naitala sa 7.6 porsyento ang pinakamataas na paglago ng ekonomiya mula noong 1976 kung kailan naitala ang 8.8 porsyento.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) naitala sa 7.2% ang GDP sa ika-apat na quarter ng 2022. Pinakamalaking bahagi umano ng nagtulak sa paglago sa huling tatlong buwan ng nakaraang taon ang wholesale at retail trade; pagkumpuni ng mga sasakyan kasama na ang motorsiklo, financial and insurance activities, at manufacturing.

Sinabi ni Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan na nananatiling malakas ang ekonomiya at inaasahan na magtutuloy-tuloy ang pag-angat nito na magreresulta sa pagkakaroon ng mas maraming mapapasukang trabaho at pagbaba ng bilang ng mga mahihirap.

“We have drawn upon the lessons gained almost three years into the COVID-19 pandemic,” sabi ni Balisacan na siyang hepe ng National Economic and Development Authority (NEDA).

“Our strong economic growth performance for 2022 proves that our calibrated policies and strategies have helped put us on the path to recovery and on track to achieving our aspiration for an inclusive, prosperous, and resilient society by 2028,” dagdag pa ni Balisacan.

Ayon sa PSA, nakapagtala rin ang bansa ng 9.3 porsyentong paglago sa Gross National Income (GNI) sa huling quarter ng 2022, at ang GNI para sa nakaraang taon ay 9.9 porsyento.