Lacson

Ping hanga sa mga madiskarteng nanay

704 Views

ANUMANG panahon kasama ang kababaihan sa pagpanalo sa lahat ng giyera na kinakaharap ng bayan, pero mas lalong bumilib si Partido Reporma standard-bearer Ping Lacson sa husay ng mga babae na lutang ang pagiging madiskarte ngayong pandemya.

Batid ng presidential candidate ng Partido Reporma na maraming babae ang may natural na abilidad at katangiang umangat sa pagnenegosyo at humawak ng mataas na katungkulan sa trabaho, kaya hindi dapat aniya minamaliit ang kanilang mga kakayahan.

“Huwag natin matahin ‘yung mga babae kasi maski ‘nung nagpandemya maraming kababaihan, maraming mga maybahay mas kumita pa kaysa sa mga asawa nila,” lahad ni Lacson sa panayam ng DZRH, Miyerkules ng umaga.

“Kasi habang nag-aalaga ng bata o kaya nasa bahay, natuto sila ng mga livelihood projects at ‘yung iba kinareer na nila ‘yung, alam mo, ‘yung online na mga pagbebenta ng kung anu-ano? Maraming ganoong success stories sa mga babae,” dagdag niya.

Sa nasabing panayam kasabay ng pagdiriwang sa Buwan ng Kababaihan, naging mensahe rin ni Lacson para sa lahat na kilalanin ang kontribusyon ng kababaihan sa ating lipunan at kanilang papel sa pagsulong ng kaunlaran ng bansa.

“‘Yung mga babae (base) sa statistics, ano, mas marami sila diyan sa—‘yung upper echelon, sa managerial position. ‘Yon ang nasa statistics,” sabi ni Lacson.

Mataas ang respeto ni Lacson at kanyang running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III sa mga babae na itinuturing din nila na may malaking impluwensya sa kanilang pagkatao. Katunayan sa kanilang mga talumpati, lagi nilang sinasabi na wala silang ibang kinatatakutan maliban sa kanilang mga asawa.

Nasa 50-taon na ang pagsasama ng chairman ng Partido Reporma at kanyang misis na si Alice de Perio-Lacson at biniyayaan sila ng apat na mga anak na lalaki. Habang si Sotto at kanyang asawa na si Helen Gamboa ay may tatlong anak na babae at isang lalaki.

Una nang sinabi ni Lacson na sa kanyang pamumuno, kung siya ang papalarin na magiging pangulo ay maaasahan na mabibigyan ng pantay na oportunidad ang kababaihan para sa matataas na posisyon sa gobyerno, dahil isinusulong niya ang kanilang karapatan batay sa Republic Act 9710 o Magna Carta of Women.

“So, bukod sa may gender equality naman tayo, sapat na ‘yung batas, may Magna Carta of Women. Huwag nating mata-matahin ‘yung mga babae kasi, unang-una, sila ang mga boss natin sa mga bahay-bahay natin,” saad ni Lacson.

Base sa isinagawang pag-aaral ng Grant Thornton International sa kanilang 2021 Women in Business Report, lumalabas na hawak ng kababaihang Pilipino ang nasa 48 porsyento ng matataas na posisyon sa business sector. Dahil dito, nanguna ang Pilipinas sa listahan 29 bansa na nakasama sa survey hinggil sa papel ng kababaihan sa pamamahala ng negosyo.