Malaysia

Pinoy repatriates dumating sa Pinas galing Malaysia

Jun I Legaspi Mar 20, 2026
153 Views

INIULAT ng Bureau of Immigration (BI) ang pagdating ng 26 na Pilipinong repatriates mula Malaysia noong Marso 16.

Ayon sa Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES), binubuo ng 9 na babae at 17 lalaki ang dumating sa Ninoy Aquino International Airport terminal 3.

Ang mga biktima, na may edad 20 hanggang 40-anyos, dumating sakay ng AirAsia flight mula Malaysia na karamihan ay umalis ng bansa sa pamamagitan ng “backdoor” na ruta.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, nakatala sa rekord ng BI na ang pag-alis ng mga biktima nangyari mula 2006 hanggang 2025.

Nakikita ng BI ang padron kung saan ginagamit ng mga trafficking syndicates ang mga “backdoor exits” upang mailabas ang mga biktima at makaiwas sa kontrol ng imigrasyon.

“Ang mga biktimang ito ay inaresto ng mga awtoridad sa imigrasyon ng Malaysia dahil sa kanilang undocumented na kalagayan. Karamihan ay nakulong bago sila repatriate,” ani Viado.

Isang babaeng biktima ang naglahad na siya ay unang ni-recruit bilang waitress ngunit kalaunan ay pinilit na makilahok sa sex work.

Samantala, ilang kalalakihan na ni-recruit para sa konstruksyon ay nakaranas ng pagmamaltrato, kabilang ang hindi pagbabayad o kulang na sahod.

“Maraming Pilipino ang umaalis ng bansa dala ng pag-asang mapabuti ang kanilang buhay, ngunit sinasamantala ito ng mga trafficker. Nilinlang ang mga biktima ng mga huwad na pangako at sila’y dumanas ng pagsasamantala,” ayon kay Viado.

Ipinahayag ng BI na magpapatuloy ang pagpapatupad ng departure protocols at palalawakin ang information campaign upang hadlangan at maiwasan ang pag-uulit ng mga trafficking scheme.