Fil-Am Source: File photo

Pinoy US citizen dedo matapos ang mainit na pakikipagtalik

Edd Reyes Nov 18, 2024
9 Views

TIGOK ang 61-anyos na Filipino US Citizen matapos ang mainit na pakikipagtalik sa kanyang live-in partner Lunes ng madaling araw sa Pasay City.

Hindi na umabot ng buhay sa San Juan De Dios Hospital ang biktimang si alyas “Hubert” nang isugod siya ng mga kawani ng Kabayan Hotel sa pagamutan matapos humingi na ng tulong si alyas “Dely” 51, live-in partner ng biktima.

Sa tinanggap na ulat ni Pasay police chief P/Col. Samuel Pabonita, nag-check in sa naturang hotel ang dalawa Linggo ng alas-12:54 ng tanghali upang doon na magpalipas ng magdamag.

Sinabi ni Dely sa pulisya na dakong alas-4 ng madaling araw nang gisingin niya ang kinakasama matapos makatulog makaraan ang mainit nilang pagtatalik subalit napansin niyang hindi na ito tumutugon kaya’t humingi na siya ng tulong sa pamunuan ng hotel.

Nagsasagawa pa ng pagsisiyasat ang mga tauhan ni Col. Pabonita hinggil sa nangyaring insidente, katuwang ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) na nag-proseso sa silid na inokupa ng mag-partner.