Martin3

Placement fee ng mga Pinoy na gustong magtrabaho sa Japan alisin

235 Views

Hiniling ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa Department of Migrant Workers (DMW) na gumawa ng mga hakbang upang maalis ang placement fee na sinisingil sa mga Pilipino na nais na magtrabaho sa Japan.

Ginawa ni Speaker Romualdez ang panawagan matapos na mangako ang mga kompanyang nakabase sa Japan na daragdagan ang kanilang mga Pilipinong manggagawa.

“I hope that the DMW can engage the recruitment industry and Japanese employers on how to make Japan a 100-percent no placement fee labor market,” sabi ni Speaker Romualdez na kasama sa delegasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Japan.

Bagamat ang mga trainee sa ilalim ng Technical Internship Training Program at ilang partikular na skilled workers ang hindi pinagbabayad ng placement fee, mayroon umanong mga Pilipino sa ibang larangan na sinisingil nito.

“We are happy to hear directly from our OFWs in Japan on how much they are valued by their employers, and vice-versa,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.

Nanawagan din si Speaker Romualdez sa mga aplikante at nagtatrabaho sa Japan na i-report sa DMW o sa Migrant Workers Office sa Osaka at Tokyo ang mga placement agency na labis ang ipinapataw na singil.

“Congress will work with DMW in strengthening existing laws and regulations to enable the government to run after and punish those who collect illegal fees,” ani Speaker Romualdez.

Nakipagpulong si Pangulo Marcos at kanyang delegasyon sa mga opisyal ng mga malalaking kompanya sa Japan bilang bahagi ng kanyang limang araw na working visit doon.