Gatchalian

Playing field sa buwis papantayin

74 Views

SINABI ni Sen. Sherwin Win Gatchalian na magpapantay ng kompetisyon sa gitna ng lumalaking demand sa mga digital services ang pagpapataw ng value-added tax (VAT) sa mga digital services.

“Mahalaga ang patas na patakaran sa pagbubuwis para sa lahat ng digital service providers maging sila’y non-resident o lokal,” sabi ni Gatchalian kasunod ng pagsasabatas ng Republic Act 112023 na nagtatakdang magpataw ng 12% vlaue added tax (VAT) sa mga digital na serbisyo.

Nilinaw ni Gatchalian na ang bagong batas na ito hindi nangangahulugan ng bagong pagpapataw ng buwis.

Bilang chairperson ng Senate Committee on Ways and Means, ipinaliwanag ni Gatchalian na sa Section 108 ng Tax Code, ang pagbebenta ng mga serbisyong isinasagawa sa bansa dapat patawan ng VAT.

Gayunpaman, dahil sa medyo may kalabuan ang batas, naging hindi malinaw ang pagbubuwis sa mga dayuhang digital service provider.

“Dahil sa pagsasabatas ng panukalang ito, may mandato ang gobyerno para singilin ang mga dayuhang digital service provider na magbayad ng 12% VAT,” ani Gatchalian.

Binigyang-diin ng senador na ang kabiguan noon sa pagpapataw at pangongolekta ng buwis mula sa mga non-resident digital service provider sumasalungat sa pangunahing prinsipyo ng pantay na pagbubuwis na nagdudulot ng kawalan ng balanse sa kompetisyon sa pagitan ng mga domestic at foreign service provider at inilalagay sa alanganin ang mga lokal na negosyo.

Tinukoy ng senador ang mga streaming platform bilang halimbawa na habang ang local platforms tulad ng iWantTFC at Vivamax pinapatawan ng VAT ang mga subscription sa mga foreign counterparts gaya ng Netflix at HBO Go hindi.