Ping. Lacson

Plunder charges itinutulak laban kina Escudero, Estrada, Villanueva sa draft panel report — Lacson

196 Views

KINUMPIRMA ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na nagrekomeda ang draft report ng Senate Blue Ribbon Committee na sampahan ng kasong plunder at iba pang kasong kriminal sina dating Senate President Francis “Chiz” Escudero, Sen. Jose “Jinggoy” Estrada, at Sen. Joel Villanueva, gayundin laban kay dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, kasunod ng imbestigasyon ng komite sa umano’y multi-bilyong pisong flood control scam.

Lumabas ang kumpirmasyon matapos kumalat sa publiko ang isang draft committee report, na nagbunsod sa mga lider ng Senado na ipaalala na hindi pa tapos ang dokumento at hindi pa pormal na ina-adopt ng komite.

Sinabi ni Lacson na pinaninindigan niya ang umano’y nilalaman ng draft committee report at iginiit na sumasalamin ito sa aktuwal umanong nangyari sa ground.

Dagdag niya, ang mga inirerekomendang kasong kriminal at administratibo sa draft report ay hindi haka-haka, sapagkat ang mga ito ay kasalukuyang dumaraan na sa preliminary investigation.

“It’s already there, papanindigan ko ‘yan. The draft committee report was prepared by my staff under the guidance of the general counsel, Atty. Gerard Mosquera, who used to be deputy Ombudsman for Luzon, (he is) very competent,” ayon kay Lacson.

“And while sila ‘yung nagawa kasi lawyers ang gagawa niyan, I will take full responsibility dito sa complaints,” dagdag pa niya.

Gayunman, mananatiling draft ang ulat hangga’t hindi ito napipirmahan ng hindi bababa sa 11 miyembro ng panel.

“Because the membership of the Blue Ribbon is 17 plus, three ex-officio. So that’s 20. So majority means 11 required signatory to make it an official committee report that can be reported out for deliberation,” paliwanag ni Lacson.

Ayon kay Lacson, ipinamahagi ang draft report sa mga senador noong Pebrero 3, kung saan anim na senador—Juan Miguel “Migz” Zubiri, Joseph Victor “JV” Ejercito, Sherwin Gatchalian, Risa Hontiveros, Paolo “Bam” Aquino IV, at Francis “Kiko” Pangilinan—ang lumagda sa draft report.

Kalaunan, binawi nina Zubiri, Ejercito, at Gatchalian ang kanilang mga pirma, dahil anila’y kailangan pa nilang masusing pag-aralan ang pinal na committee report.

Samantala, isang kopya ng draft at bahagyang ulat na naunang na-leak sa media ang nagpakitang bukod sa plunder, itinutulak din ng komite ang pagsasampa ng mga kasong malversation of public funds at direct bribery laban kina Co, dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr., Estrada, Villanueva, Escudero, at dating Caloocan City Rep. Mitch Cajayon-Uy.