PNOC

PNOC inudyok na kumilos agad sa ‘oil reserve’ partnership sa ADNOC

23 Views

HINIMOK ni Senate President Sherwin Gatchalian ang Philippine National Oil Company (PNOC), ang kumpanya ng langis ng gobyerno, na kumilos agad sa posibleng partnership sa Abu Dhabi National Oil Company (ADNOC) para makapagtayo ng strategic petroleum reserve (SPR) sa bansa.

Ang SPR ay malaking imbakan ng langis na magagamit ng bansa kapag naputol o kinapos ang suplay dahil sa pandaigdigang krisis o emergency.

Ayon kay Gatchalian, interesado ang ADNOC ng Abu Dhabi, kumpanya ng langis na pag-aari ng estado sa United Arab Emirates, na magtayo ng pasilidad sa Pilipinas.

Handa raw itong asikasuhin ang mga tangke at ang langis na iimbakin, basta may lupang mapagtatayuan.

“Ang PNOC, aside from the Malampaya cash flow, ang next asset niya ay lupa. So yung lupa na yun ang pwedeng pagtayuan nitong mga strategic petroleum reserves. So sa PNOC, huwag na tayong mag-dilly-dally. Kasi itong ADNOC ready na,” sabi ni Gatchalian.

Ibig sabihin, bukod sa kinikita ng PNOC mula sa Malampaya, ang natural gas project sa karagatan ng Palawan, may hawak din itong mga lupa na puwedeng pagtayuan ng imbakan. Nanawagan si Gatchalian na huwag nang magpatumpik-tumpik ang PNOC.

Ginawa niya ang pahayag sa isang kamakailang pagdinig ng Senado sa panukalang amyenda sa Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998.

Sa ilalim ng batas na ito, hinayaan ang merkado na magtakda ng presyo ng petrolyo. Binuksan din nito sa mga pribadong kumpanya ang downstream na bahagi ng industriya, o ang pag-angkat, pagre-refine at pagbebenta ng langis.

“Ang kailangan lang nila lupa, bahala na sila sa tangke, bahala na sila sa inventory. They want to also sign an arrangement wherein we have right of first refusal. So maganda yun, hulog ng langit yan para sa atin,” dagdag niya.

Ang inventory ay ang dami ng langis na nakaimbak. Sa right of first refusal naman, karaniwang nauuna ang isang partido na pumili o tumanggi bago ito ialok sa iba. Hindi binanggit ni Gatchalian kung ano ang eksaktong sakop ng karapatang ito.

Ayon kay Gatchalian, mahalaga ang SPR para maprotektahan ang bansa sa pagkaantala ng suplay at biglang paggalaw ng presyo ng langis.

Kamakailan ay nakipagpulong sina Gatchalian at Senate Energy Committee chair Senador Erwin Tulfo sa mga kinatawan ng ADNOC.