PNP Chief

PNP chief ni-relieve hepe ng PNP-AKG

Alfred Dalizon Mar 1, 2025
13 Views

INIUTOS ni Philippine National Police chief General Rommel Francisco D. Marbil ang pagre-relieve kay PNP Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) head Colonel Elmer E. Ragay dahil sa mga negatibong ulat sa rescue operation sa 14-anyos na estudyante ng British School Manila na dinukot noong Pebrero 20.
Na-rescue ang bata ngunit mahalaga umanong magkaroon ng masusing pagrepaso sa insidente upang tugunan ang mga pangamba ng publiko at tiyakin ang transparency sa operasyon ng PNP.

Habang isinasagawa ang internal na imbestigasyon, sinabi ni Gen. Marbil na makikipagtulungan siya Senate investigation na itinakda sa susunod na linggo.

“Iginagalang natin ang awtoridad ng Senado upang imbestigahan ang insidenteng ito at handa tayong makipagtulungan sa kanilang mga pagdinig,” ayon pa sa kanya.

Tiniyak ng PNP chief sa publiko na magiging masinsinan at patas ang gagawing imbestigasyon.

Bandang alas-10:00 ng gabi ng Martes, natagpuan ng mga ahente ng PNP-AKG ang estudyante na iniwan ng kanyang mga kidnappers sa Macapagal Avenue, Parañaque City.

Ang bata na kinilala lamang sa alias na Andi nasa piling na ngayon ng kanyang pamilya.

Bago ang kanyang relief, pinapurihan pa si Col. Ragay at ang kanyang mga tauhan ni Gen. Marbil sa kanilang mabilis na pagtugon sa naiulat na kidnapping-for-ransom case.

“This rescue is a testament to our police force’s dedication to protecting all individuals within our borders. We will not allow criminal elements to instill fear in our communities,” sinabi ng PNP chief.

Ayon kay PNP Public Information Office chief, Col. Randulf T. Tuaño , walang binayad na ransom ang pamilya ng biktima sa mga kidnappers

“The kidnappers obviously felt the intense police pressure and were forced to abandon their victim,” sinabi ng opisyal.

Pinutol ng mga kidnappers ang dulo ng small finger sa kanang kamay ng biktima at pinadala ang karumal-dumal na video sa kanyang magulang.

Ang family driver ng pamilya natagpuang patay sa loob ng van na kanyang minamaneho.

Ang van na sinasakyan din ng bata inabandona ng mga kidnappers sa isang masukal na lugar sa San Rafael, Bulacan noong isang Biyernes.

Nakita sa loob ng van ang ilang PNP uniforms na ginamit ng mga kidnappers noong banggain nila ang van sa likod upang huminto ang driver na pinaniniwalaang kanila ding kasabwat.

Ayon kay Department of Interior and Local Government Secretary Juanito Victor Remulla, ang ama ng biktima at ang leader ng mga kidnappers pawang dating POGO operators sa bansa na lumago noong nakaraang Duterte administration.

Ang biktima iniulat na nawala noong hapon ng Pebrero 20 matapos umalis ng school.

Sinabi ng kanyang mga magulang na kalaunan, humingi ng $20 million ransom ang mga kidnappers.

Iniimbestigahan din ng PNP-AKG ang ulat na ang ama ng biktima isang big-time e-seller ng lahat ng online merchandise na binebenta sa bansa.