PBBM Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., nakikipag-ugnayan ang PNP sa mga lokal na pamahalaan upang tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamayan sa pamumuno ni acting PNP Chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr.

PNP handa na relief,evacuation efforts para sa maaapektuhan ng Bagyong Uwan

Jon-jon Reyes Nov 8, 2025
644 Views

TINIYAK ng Philippine National Police (PNP) na handa ang buong hanay nito tumulong sa paglikas at pagtugon sa sakuna sa inaasahang maaapektuhan ng bagyong Uwan sa weekend.

Nakikipag-ugnayan ang PNP sa mga lokal na pamahalaan at ahensiya ng pamahalaan upang tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamayan.

Ipinag-utos ni acting PNP Chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr. ang paglalagay sa lahat ng yunit ng PNP sa full alert status at ang pakikipagtulungan sa mga lokal na opisyal sa pagpapatupad ng preemptive at kung kinakailangan, mandatory evacuations.

Binibigyang-pansin ng PNP ang mga rehiyon sa Hilaga at Gitnang Luzon, kung saan inaasahan ang malalakas na ulan at hangin kapag tuluyang pumasok sa Philippine Area of Responsibility ang bagyo.

Aktibo na ang mga disaster response team ng PNP sa iba’t ibang rehiyon at nakapagtatag na rin ng koordinasyon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), at Bureau of Fire Protection (BFP).

Hinimok din ng PNP ang publiko na manatiling kalmado at sumunod sa mga abiso ng kanilang lokal na pamahalaan.

Tiniyak ni Nartatez na patuloy ang pagbabantay at pagtulong sa mga apektadong lugar upang mapanatili ang kaligtasan ng lahat.

Nanawagan si Nartatez ng pagkakaisa, disiplina, at kooperasyon sa publiko.