DENR

PNP inaresto opisyal ng DENR dahil sa ‘P1M kotong’

Alfred Dalizon Nov 4, 2025
278 Views

INARESTO ang isang opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa rehiyon ng Calabarzon ng undercover officers ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) dahil sa umano’y pangongotong noong nakaraang linggo, ayon sa hepe ng PNP-CIDG nitong Martes.

Kinilala lamang sa alyas na “Rommel,” ang officer-in-charge ng DENR Community Environment and Natural Resources Office sa Calaca, Batangas ay naaresto sa pamamagitan ng isang entrapment operation sa kanyang opisina, sinabi ni Major Gen. Robert Alexander A. Morico II.

Ayon sa opisyal, ang operasyon ay isinagawa ng mga tauhan ng CIDG Detective and Special Operations Unit na pinamumunuan ni Lieutenant Col. Gene Licud, kasama ang DENR Environment Law Enforcement and Protection Service at ang National Intelligence Coordinating Agency Region 4-A bandang alas-3:45 ng hapon noong Huwebes.

Nagsimula ang entrapment operation mula sa reklamo ng isang lokal na residente na umano’y humihingi ang suspek ng kabuuang P7 milyon kapalit ng pag-isyu ng Alienable and Disposable Zones Certificate.

Humingi diumano ang opisyal ng DENR na mula sa Guiguinto, Bulacan ng paunang bayad na P1 milyon bilang down payment, kung hindi ay hindi ibibigay ang hinihinging certificate.

Dahil dito, isinagawa ang operasyon kung saan naaresto ang suspek matapos tanggapin ang marked money mula sa nagreklamo.

Ang akusado ay nahaharap ngayon sa criminal charges para sa robbery-extortion sa ilalim ng Article 294 ng Revised Penal Code.