Calendar
Si Captain Joel H. Deiparine ay paulit-ulit na binaril ng mga pinaghihinalaang gun-for-hire sa Cebu City noong Sabado.
PNP nagluluksa sa pagkamatay ng opisyal ng CIDG sa ambus sa Cebu City
NAGDADALAMHATI ang Philippine National Police (PNP) sa pangunguna ni Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr. sa pagkamatay ng isang opisyal ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na paulit-ulit na binaril ng mga pinaghihinalaang gun-for-hire sa Cebu City noong Sabado.
Si Captain Joel H. Deiparine ay nasawi habang ginagampanan ang kanyang tungkulin, samantalang ang kanyang kasama na si Police Executive Master Sergeant Artchel C. Tero ay nagtamo ng bahagyang sugat sa labi sa naturang pamamaril sa Sitio Balaw, Barangay Sudlon 2, Cebu City, ayon kay PNP-CIDG Director Major General Robert Alexander A. Morico II.
Batay sa paunang imbestigasyon, nagsasagawa ng surveillance ang dalawang miyembro ng CIDG Regional Field Unit 7 laban sa isang alyas “Jun,” na pinaghihinalaang gunrunner at gun-for-hire sa lungsod, nang biglang huminto ang suspek at ang dalawa nitong kasamahan na sakay ng isang pickup at pinaputukan si Cpt. Deiparine, na Assistant Chief ng Intelligence Section ng CIDG RFU7.
Minamaneho ng nasawing opisyal ang kanyang motorsiklo habang sakay niya si PEMS Tero bilang backrider nang sila ay pagbabarilin.
“Napansin ng mga suspek na sinusundan sila ng mga pulis kaya agad nilang pinaputukan ang dalawang alagad ng batas,” ayon kay PNP-CIDG spokesperson, Major Helen dela Cruz.
Sa kasalukuyan, patuloy na tinutugis ng PNP-CIDG at ng Police Regional Office 7 ang mga tumakas na salarin na pinangungunahan nina alyas “Jun” at “Nante.”
Isinugod si Cpt. Deiparine sa Cebu City Medical Center kung saan siya idineklarang dead on arrival ng doktor. Si PEMS Tero at agad ding nakalabas matapos magamot.
Ayon sa PRO7 na pinamumunuan ni Brigadier General Redrico A. Maranan, inambus ng mga suspek na sakay ng Mitsubishi Strada pick-up ang dalawang tauhan ng CIDG.
Sinabi ni Maj. dela Cruz na kanila pang iniimbestigahan ang mga ulat na bago pa man sila pagbabarilin, nakaganti ng putok ang isa sa mga pulis at tinamaan ang sasakyan ng mga suspek na narekober sa pinangyarihan ng krimen.
Nagtamo ng maraming tama ng bala si Cpt. Deiparine. Narekober din sa lugar ang iba’t ibang basyo ng bala.
Ayon pa kay Maj. dela Cruz, nag-alok ng ₱500,000 pabuya ang lokal na pamahalaan ng Cebu City, ang PRO7, at ilang mga Good Samaritan para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na magtuturo sa mga pumatay.

